Pinahintulutan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang dalawang pulis na kabilang sa mga akusado sa Maguindanao massacre case na pansamantalang makalabas ng piitan upang magpagamot sa Rizal Medical Center (RMC).

Base sa tatlong-pahinang kautusan, pinaboran ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City RTC Branch 221 ang magkahiwalay na mosyon na inihain nina PO1 Maraman Nilong at PO3 Felix Daquillos.

Sa kanyang mosyon, iginiit ni Nilong na walang sapat na kakayahan ang doktor ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tugunan ang kanyang katarata na nangangailangan ng operasyon.

Samantala, hiniling ni Daquillos sa korte na sumailalim siya sa pagsusuri, base sa rekomendasyon ng roving physician ng BJMP, hinggil sa pamamaga ng kanyang bayag. Aniya, kailangan siyang sumailalim sa ultrasound upang matingnan ang kondisyon ng kanyang Varicocele.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bagamat hindi na kinontra ng prosekusyon ang kahilingan ni Nilong, hinarang naman nito ang apela ni Daquillos dahil hindi umano kailangang madaliin ang pagpapatingin nito sa espesyalista.

Sa pagpanig sa mosyon ng dalawang akusado, sinabi ni Solis-Reyes na ikinonsidera niya ang rekomendasyon ni Senior Insp. Jaime Calveria, roving physician ng QC Jail Annex, na dapat na agad dalhin sa ospital ng gobyerno ang mga ito.

(Chito Chavez)