Pinagpapaliwanag ng Court of Appeals (CA) Seventh Division ang isang police official na lumantad sa korte noong nakalipas na linggo sa pagdinig ng writ of amparo petition na inihain laban sa ilang opisyal ng Iglesia ni Cristo (INC).

Ito ay si Supt. Thomas Valmonte, na ayon kay CA Justice Magdangal De Leon ay lumikha ng maling impresyon na siya ay mula sa Station 5 ng Manila Police District (MPD).

Ang MPD Station 5 ang umaresto kay Menorca noong nakaraang linggo, sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ng hukuman sa Marawi at Lanao del Norte Regional Trial Court (RTC) dahil sa magkahiwalay na kaso ng libelo.

Pero sa pagkumpirma ng korte, nabatid na wala palang opisyal na Valmonte sa Station 5 ng MPD at sa halip, ito ay mula sa Legal Services Division ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Camp Crame, Quezon City.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon kay De Leon, magpapalabas sila ng show cause order laban kay Valmonte para pagpaliwanagin ito kung bakit hindi siya dapat na patawan ng contempt dahil sa maling impresyon na nilikha nito sa korte.

Pitumpu’t dalawang oras lang ang ibinigay ng hukuman kay Valmonte para magsumite ng kanyang paliwanag.

Sa gitna ng pagdinig ay inilahad naman ni Atty. Trixie Angeles, abogado ni Lowell Menorca, na si Valmonte ang dahilan kaya napigil ang nakatakda sanang pagharap sa korte ng pinatalsik ng ministro ng INC sa pagdinig nitong Enero 20.

Pumayag na raw kasi ang kinatawan ng MPD Stations 5 at 10 na paharapin si Menorca sa CA kahit pa naaresto na, pero pinigil ito ni Valmonte at sinabing dadalhin lamang nila si Menorca sa hukuman kapag mayroon nang pormal na kautusan mula sa korte. (Beth Camia)