MARAMI ang nagtataka kung bakit ‘tila wala nang katapusan ang problema sa traffic sa Metro Manila. Pasko man o hindi, traffic pa rin.
Walang pagbabago sa pagsisikip ng mga sasakyan sa EDSA at mga lansangan na karugtong nito. Halos ipinakalat na ang lahat ng traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA subalit wala pa ring pagbabago.
Nandyan na rin ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na wala ring magawa sa problema sa trapiko.
Noong una silang itinalaga sa EDSA, maraming sumigaw ng “Halleluiah!”
Mga kaawa-awang nilalang ang HPG personnel. Sa halip na nanghuhuli ng mga carnapper ay nandyan sila sa EDSA, sa gitna ng init, ulan at usok. Nawa’y huwag maubusan si Vicky Belo ng sun block para may proteksiyon ang mga HPG cop laban sa init ng araw.
May maitutulong kaya si Vicky Belo sa maitim nilang kulangot bunsod ng paglanghap ng usok?
Huwag nating kalimutan ang iba pang “henyong solusyon” ng gobyerno tulad ng number-coding scheme at mistulang “palitaw” na mga U-turn slot.
Ano nga ba ang puno’t dulo ng problema sa traffic?
Kamakailan, natiyempuhan ko si PNP-HPG Chief Supt. Arnold Gunnacao habang ini-interview sa radyo. Paulit-ulit niyang sinasabi na ang sobrang dami ng sasakyan ang ugat ng matinding trapiko. Marami ang tumaas ang kilay.
Subalit nitong mga nakaraang araw, napag-isip-isip ko na may bahid ng katotohanan ang sinabi ni Ginoong Gunnacao.
Mantakin n’yo, patuloy ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa. Nasa P16-P17 na lang ang presyo ng diesel habang ang gasolina ay nasa P29.
Ang dating ibinuburong kotse sa garahe ay ginagamit na ngayon. Dating sabay-sabay na pumapasok sa opisina o eskuwelahan ang buong pamilya, ngayo’y tig-iisa na ng sasakyan.
Dahil sa sobra ring baba ng down payment sa mga sasakyan na binibili nang instalment basis, halos nagkakandarapa ang mga motorista para makakuha ng kanilang pribadong kotse.
Masisisi n’yo ba sila na maglakas-loob na bumili ng hulugan, kahit pa dugo’t pawis ang aabutin upang mabayaran ang P20,000 monthly amortization at makaiwas sa pagkaremata.
Andyan din ang Uber at Grab taxi na naging patok sa mga naghahangad na magkaroon ng sariling sasakyan. Nagagamit na nilang pamasok, may extra hanapbuhay pa pagkatapos ng office hours.
Mahigit beinte porsiyento ang inilobo ng car sales sa bansa.
Ang trapiko ay hindi lamang nararanasan sa Metro Manila, ngunit maging sa ibang siyudad sa bansa.
‘Ika nga…hawa-hawa na! (ARIS R. ILAGAN)