Muling magdedepensa ng kanyang korona si World Boxing Organization (WBO) light flyweight champion Donnie “Ahas” Nietes laban sa minsan na niyang tinalo sa pamamagitan ng 9th round knockout na si Moises “Moi” Fuentes ng Mexico sa Cebu City sa Mayo.

Ito ang ikasiyam na pagdidepensa ni Nietes ng kanyang WBO light flyweight belt na nakuha niya via 12-round unanimous decision sa dating kampeon na si Ramon Garcia Hirales ng Mexico sa Bacolod City noong 2011.

Sa kanilang unang laban noong 2013, nagtabla sina Nietes at ang mandatory contender ngayong si Fuentes sa sagupaang ginanap sa Cebu City ngunit sa rematch noong 2014 sa Pasay City, pinatulog ng Pinoy boxer ang Mexican sa 9th round.

Mula nang matalo kay Nietes, kumamada si Fuentes ng apat na sunod na panalo pinakahuli kay dating IBF at WBO minimumweight champion Francisco Rodriguez Jr. sa 12-round split decision sa WBO eliminator bout.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Iniutos ng WBO na magdepensa ako sa kanya kaya paghahandaan ko na lang ang laban namin,” sabi ni Nietes sa Balita.

“Inaayos na ni manager (Michael Aldeguer) ang depensa ko sa Mayo pero kung sa Mexico gagawin ang laban ay handa pa rin ako na harapin siya.”

Kung magtatagumpay sa depensa laban kay Fuentes, nais ni Nietes na hamunin si WBA at WBO flyweight champion Juan Francisco Estrada na isa ring Mexican bago matapos ang taon para maging three-division world champion.

May kartada si Nietes na 37-1-4 na may 21 pagwawagi sa knockouts samantalang si Funtes ay may 23-2-1 win-loss-draw record na may 12 panalo sa knockouts. (gilbert espeÑa)