caloy loyzaga 16 photo copy

Pumanaw noong Miyerkules ng umaga ang dating Olympian na si Carlos “Caloy” Loyzaga.

Itinuturing na pinakamaningning at may pinakamalaking kontribusyon sa Pilipinas sa larangan ng international basketball, binawian ng buhay si Loyzaga sa Cardinal Santos Medical Center ayon na rin sa kanyang anak na isa ring basketball legend na si Chito Loyzaga.

Tinaguriang “The Big Difference”dahil na rin sa kanyang naipamalas na kahusayan sa basketball sa loob at labas ng bansa kabilang na ang 1952 at 1956 Olympic Games, namayapa si Loyzaga, sa edad na 85 dahil sa malubhang karamdaman.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Kabilang din ang 6-foot-4 na si Loyzaga na sa kanyang taas ay itinuturing na pinakadominanteng sentro noong kanyang kapanahunan, sa koponan ng Pilipinas na nagwagi ng bronze medal sa 1954 World Basketball Champioships.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang anumang bansa sa buong Asia ang nakapantay sa nasabing pagtatapos sa prestihiyosong torneo.

Bukod dito, isa rin siya sa mga namuno sa pambansang koponan sa gold medal finish na naitala nito noong 1960 Manila at 1963 Taipei FIBA Asia Championships,1951 New Delhi, 1954 Manila, 1958 Tokyo at 1962 Jakarta Asian Games.

Nagsimula siyang makilala sa larangan ng basketball nang kunin ng noo’y San Beda coach na si Gabby Fajardo para maglaro sa Red Lions noong 1951 hanggang 1955 bago napunta sa YCO Painters mula 1954 hanggang 1964 kung saan siya nagwagi ng sampung sunod na National Open titles bukod pa sa mga naunang titulo ng Painters sa MICAA o Manila Industrial Commercial Athletic Association. (MARIVIC AWITAN)