ayo photo 14 copy

Nang kanyang tanggapin ang alok para maging kapalit ni Juno Sauler bilang headcoach ng La Salle, batid ni Aldin Ayo na maraming bagay ang mababago kumpara sa kanyang sitwasyon noong nakaraang taon bilang coach ng Letran.

Kung noong isang taon ay hindi siya gaanong pinagtutuunan ng pansin ng mga kalabang coaches sa umpisa ng torneo dahil hindi pa siya gaanong kilala na isa sa mga naging susi para madala niya ang Knights sa una nitong kampeonato makalipas ang isang dekada, ngayon ay nakamasid lahat sa kanya sa unang coaching job nya sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Sa kanyang biglaang paglipat sa La Salle na nagtataglay ng isang roster na hahangarin ng kahit na sinumang coach alinman sa UAAP at National Collegiate Athletic Association (NCAA), hindi na kailangan pa ng isang siyentipiko para hindi malamang matindi ang “pressure” na hinaharap ni Ayo para ma-deliver ang Green Archers sa darating na UAAP Season 79.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ngunit sinabi ng dating Knights mentor na nakahanda siya sa anumang mangyayari.

“Everytime I go to competition, I always want to win. I’ll make sure na gagawin namin lahat para makuwa yun. Pero di naman ako takot matalo. If you want to win, dapat alam mo ang pakiramdam ng natatalo,” pahayag ni Ayo noong Martes ng gabi matapos tanggapin ang kanyang parangal bilang “Coach of the Year” sa idinaos na UAAP - NCAA Press Corps Collegiate Basketball Awards.

“If you’re competing kailangan iniisip mo na mananalo ka, otherwise wag ka na magcompete. So we want to win.

Tatrabahuhin namin yun,” dagdag nito.

At hindi na siya mahihirapan pang sumabak sa giyera dahil ngayon ay marami na siyang hawak na sandata kabilang na rito ang transferee mula Southwestern University na si Ben Mbala.

Naniniwala si Ayo na mas mahusay si Mbala kumpara sa mga foreign players na nakita na niya at nakalaban ng kanyang hinawakang koponan.

“Different dimension ang binibigay ni Mbala e. Parang siyang foreigner na may ugaling Pinoy. Ganun siya maglaro,” ani Ayo.

Bukod kay Mbala, madadagdagan pa ang mga pambato ni Ayo ng dalawang “prized recruits” mula sa juniors na sina Aljun Melecio at Ricci Rivero.

Ngunit naniniwala ang dating konsehal ng Sorsogon na kung may isang manlalaro na inaasahan niyang makakatuwang sa kanyang misyon na magawang makapag-deliver ang La Salle, ito’y walang iba kundi ang beteranong si Jeron Teng.

“Siya yung bridge ko sa mga players, he’s willing to sacrifice everything just to win. Gusto manalo ng bata e,” ayon kay Ayo na nagsabing inaasahan niyang mas higit pa ang magagawa ni Teng sa huling taon nito sa La Salle.

“Same offense but he’ll be very different when it comes to defense. He’ll be distributing the ball more, of course he’s going to score but he’s gonna do everything.”

Samantala, tiniyak ni Ayo na lahat ng ginawa niya bilang coach noong isang taon ng Letran ay siya ring gagawin niya sa pag-upo niya bilang coach ng La Salle.

“Dala ko parin naman ang ‘mayhem’ dito. Whatever it takes to win, gagawin namin.” (Christian Jacinto)