Pitong menor de edad, na unang iniulat na dinukot, ang nasagip ng awtoridad matapos silang ikandado sa loob ng isang cabinet sa Alaminos, Pangasinan.
Kinilala ni Supt. Ferdinand “Bingo” de Asis, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office ang mga menor na sina Ailyn Kim Opolinto, 14; Sabrina Cabanban, 16; Wennilyn Humilde, 14; Rubilyn Villanueva, 16; Jerome Soriano, 16; Jhomar Ken Radoc, 17; at Mark Christopher Cerdan, 17 anyos.
Nasagip ng pinagsanib na puwersa ng civilian volunteer organization (CVO) at Public Order Safety Office (POSO) ang pito mula sa kamay ni Christina Reyes, 46, at ng anak nitong si Christian Reyes, 22, kapwa residente ng Barangay San Roque, Alaminos City.
Sinalakay ng CVO at POSO ang kinaroroonan ng mag-inang Reyes sa Bgy. Pogo, Alaminos City, dakong 2:00 ng hapon nitong Lunes.
Naglunsad ng operasyon ang awtoridad matapos na humingi ng tulong ang dalawang magulang na sina Beberly Villanueva, 37, ng Bgy. Tepi; at Mary Ann Soriano, 40, ng Bgy. San Roque, hinggil sa nawawala nilang mga anak noong Enero 23.
Nang salakayin ang lugar, natagpuan ang tatlong menor sa loob ng ikinandadong cabinet habang ang apat ay nasa silid ng mag-inang Reyes.
“Talaga namang kinilabutan po kami na nawawala ang aming mga anak dahil uso pa naman iyong kinukunan ng organ ang mga bata,” sabi ni Beberly. (Liezle Basa Iñigo)