Dahil sa sobrang pagod, naaresto ang isang snatcher matapos hingalin sa pagtakbo ng matulin upang makaiwas sa mga lalaking humahabol sa kanya sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Senior Insp. Jose R. Hizon, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), kasong theft ang kinakaharap ni Jerqui Pugata, 20, ng No. 155, Barangay 160, Libis, Caloocan City.
Bagamat P1,500 lamang ang nabawi sa kanyang tinangay mula sa kabuuang P2,000, nagpasalamat naman sa mga humabol at kay POI Jonathan Pajarito ng Police Community Precinct 2 ang biktimang si Marlyn Liwanag, 52, ng Valenzuela City.
Nakuha rin sa suspek ang mga aluminum foil na pinaniniwalaang gagamitin nito sa pagbatak ng shabu.
Kuwento ni Liwanag kay PO3 Robin Santos, bandang 7:30 ng umaga habang naglalakad siya sa Rosario St. ay biglang inagaw ni Pugata ang kanyang bag.
Nagsisigaw ang biktima dahilan para mapansin siya ng mga kalalakihan na naroroon, kasama si Mr. Frank Tan, at hinabol nila ang suspek.
Dahil puyat at sabog sa ipinagbabawal na gamot, hiningal si Pugata kaya’t napilitan itong sumakay ng jeep sa Gen. T. De Leon patungong tulay, pero na-trapik ang sinasakyan nito na naging dahilan para abutan siya ng mga humahabol.
Akmang gugulpihin na ng mga kalalakihan si Pugata at natiyempuhan namang dumating ang nagpapatrulyang si PO1 Pajarito na sakay ng isang mobile patrol kung kaya’t hindi na nakapalag pa ang suspek. (Orly L. Barcala)