PALAGING sinisisi at binibira ni President Noynoy Aquino si ex-President Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) dahil umano sa kurapsiyon, kapalpakan at hindi pag-unlad ng bansa sa loob ng siyam na taon ng panunungkulan nito (2001-2010).
Maging sa paulit-ulit na aberya ng MRT-3, si GMA, kasalukuyang naka-hospital arrest sa Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC), ang kanyang sinisisi gayong halos lahat ng kanyang co-accused ay binigyan ng piyansa para pansamantalang makalaya o kaya’y pinawalang-sala na nang tuluyan.
Ngayon, tila ginagaya niya si GMA noon. Halimbawa nito ay ang umano’y ilegal na paghirang ni GMA kay SC Chief Justice Renato Corona. Habang hinirang naman ni PNoy ang kanyang kaklase at kaibigan (ewan lang kung kabarilan din) na si Justice Secretary Alfredo Benjamin Caguioa bilang bagong mahistrado ng Korte Suprema kapalit ng nagretirong si Associate Justice Martin Villarama Jr.
Si Corona ang pinili ni GMA kahit maliwanag na labag ito sa Election Law dahil ipinagbabawal ang paghirang dalawang buwan bago idaos ang halalan. Akalain ninyong tinanggap naman ito ni Corona gayong sina SC Senior Associate Justice Antonio Carpio at ex-SC Justice Conchita Carpio Morales, na kasama sa pagpipilian ni GMA, ay tumanggi. Akala siguro ni GMA ay mabibigyan siya ng proteksiyon ni Corona sa kanyang pagbaba sa puwesto sakaling tadtarin siya ng mga kaso.
Tila ganito rin ang istilo ni PNoy sa paghirang niya sa kanyang kaibigan at kaklaseng si Caguioa sa pag-asang bibigyang-proteksiyon siya nito kapag naupo sa Korte Suprema. Sa paghirang kay Caguioa, lumalabas na anim na ang appointees ng binatang Pangulo sa SC. Ang iba ay appointees ni GMA. Ano ba ito, paramihan ng mga appointee sa SC?
Kapag minalas si PNoy pagbaba niya sa “trono” sa Hunyo 2016, baka siya ay matulad sa kapalaran nina ex-Presidents Joseph Estrada at GMA na parehong nakulong. Sa usapin lang sa PDAF at DAP. Lagot siya dahil idineklarang unconstitutional ito ng SC. Sa isyu ng Mamasapano incident na pinagbuwisan ng buhay ng SAF 44, tiyak na lagot din siya dahil pinayagan niyang magpatakbo sa operasyon ang kanyang kaibigang suspendido na si PNP Director General Alan Purisima. (BERT DE GUZMAN)