HINDI nakapagtataka kung mangilan-ngilan lamang sa mga naulila ng SAF 44 ang nakaharap ni Presidente Aquino sa paggunita sa kakila-kilabot na Mamasapano incident. Maaaring kumikirot pa ang sugat sa puso ng mga naulila lalo na nang malaman na ang naturang pagtitipon ay tatampukan ng umano’y hindi patas na pagkakaloob ng karangalan sa ating mga bayani. Ibig sabihin, dalawa lamang sa SAF 44 ang ginawaran ng Medal of Valor, ang pinakamataas na karangalan na maaaring iukol sa mga pulis at sundalo na nagpamalas ng pambihirang katapangan sa labanan.

Dahil dito, ilan sa mismong mga naulila ang nagpahiwatig: Bakit hindi pinagkalooban ng Medal of Valor ang lahat ng namatay sa Mamasapano massacre? Pati ang mga pinalad na mabuhay na buong-tapang ding sumagupa sa mga kalaban? Hindi ba buhay din at karangalan ang kanilang pinuhunan? Paano nga naman mananabik ang mga naulila na lalo lamang magpapatindi sa kanilang pagdadalamhati?

Ang nais madama at masaksihan ng mga naulila ay katarungan para sa mga namatay na SAF 44. Inaasam nila ang madaliang pagdakip sa mga pinaghihinalaang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), mabilis na paglilitis at paggawad ng parusa. Masyadong mabagal ang pag-usad ng hustisya. Mismong si Presidente Aquino, sa paggunita ng massacre, ang tandisang nagsabi: “Justice delayed is justice denied.” Paanong huhupa ang pagdadalamhati ng mga naulila?

Totoo, paulit-ulit nating sinasabi na matagal nang iniutos ng Pangulo ang pagkakaloob ng mga biyaya sa mga benepisyaryo ng Fallen 44. Milyun-milyong piso na ang naipamahagi, bukod pa sa housing units at educational benefits para sa mga nag-aaral nilang mga anak.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Talagang matinding pagdurusa at paghihirap ng kalooban ang dinaranas ng mga biktima sa kawalan ng katarungan. Alam ko ang pakiramdam ng mga naulila nang maging biktima rin ang aking kapatid, kasama ang tatlong iba pa, ng tinaguriang “noontime massacre”, maraming taon na ang nakalilipas. Masyadong naging mailap ang hustisya kaya’t ipinaubaya na lamang namin ang lahat sa Panginoon.

Sa kabila ng kabiguang matamo ang katarungan, natitiyak ko na ang mga naulila ay hindi titigil sa pagtuklas ng kasagutan sa pangyayari. Nais nilang matiyak na may dapat managot sa kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay.

(CELO LAGMAY)