MAINIT ang pagtanggap ng Pilipinas kina Emperor Akihito at Empress Michiko ng Japan na nasa bansa para sa limang-araw na pagbisita. Ito ang unang opisyal na pagbisita ng isang Japanese emperor sa Pilipinas, bagamat nakapunta na sina Akihito at Michiko sa Maynila noong 1962 noong sila ay prinsipe at prinsesa pa lamang.
Ang pagbisita ay inilarawan ng ilan bilang isang pacifist pilgrimage at magtutungo sila sa mga puntod ng mga Japanese at hindi Japanese na nasawi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Una nang bumisita ang Emperador sa mga lugar ng digmaan sa Pasipiko—sa Saipan noong 2005 at sa Palau noong nakaraang taon—at doon ay nanalangin siya hindi lamang para sa kaluluwa ng mga sundalong Hapon kundi para sa mga kaaway na tropang Amerikano at maging mga sibilyan na napatay sa paglalaban.
Nakibahagi ang Pilipinas sa nasabing Pacific War, sa una ay sa Bataan at sa Corregidor nang magtagumpay ang tropa ng mga Pilipino at mga Amerikano na maipagpaliban ang pananakop ng Japan, sa tatlong taong pananakop, at sa huli, sa panahon ng Kalayaan. Magbibigay-pugay sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa mga Pilipinong bayani ng digmaan sa Libingan ng mga Bayani. Bibigyang-pugay din nila ang mga Hapon na nasawi sa giyera na nakalibing sa Japanese Memorial Garden sa Caliraya, Laguna.
Nataon ang pagbisita ng Emperador sa panahong nagpapakita ang gobyerno ng Japan ng mas agresibong paninindigan sa mga ugnayang panlabas nito, at kamakailan ay hinimok ni Prime Minister Shinzo Abe na pahintulutan ng Parlamento ang Self-Defense Forces na tumulong sa ibang mga bansang kaalyado nito. Bagamat maaari itong magdulot ng pangamba sa mga hindi nalilimutan ang naging papel ng Japan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, marami ang malugod itong tinanggap sa harap na rin ng alitan ng Japan sa China kaugnay ng pinag-aagawang isla sa East China Sea.
Isa ang Japan sa malalapit na kaalyado ng Pilipinas sa nakalipas na mga taon. Ito ang pinakamalaki ang ambag sa Official Development Assistance (ODA). Agaran ito kung magpadala ng tulong sa mga biktima ng kalamidad sa bansa. At isa rin ito sa mga pangunahing international advocate ng prosesong pangkapayapaan sa Mindanao. Kinikilala ni Pangulong Aquino na sa Japan at sa mamamayan nito “we have found steadfast partners and friends in the truest sense of the word.”
Malugod na tatanggapin sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa lahat ng lugar na bibisitahin nila sa limang-araw nilang pananatili sa bansa. Partikular na magiging mainit ang pagtanggap sa kanila dahil ang misyon nila ay pangkapayapaan, na pangunahing tema ng pamumuno ni Akihito bilang isang emperador.