Napuno ng emosyon at madamdaming tagpo ang ikalawang Philippine Sports Hall of Fame awards sa pagluluklok sa 17 bagong miyembro ng Hall of Famers noong Lunes ng gabi sa Century Park Sheraton Hotel.

Hindi napigilan ng asawa ni national weightlifter Salvador del Rosario na si Gng. Constancia del Rosario ang lumuha matapos matanggap ang karangalang hinihintay ng kanyang asawa na naging national record holder at nag-uwi ng pilak noong 1965 Asian and World Championships sa Iran.

“Nagpapasalamat po ang aking pamilya sa pagkilala sa nagawa ng aking asawa. Matagal po niya na hinihintay ang ganitong karangalan subalit nakakalungkot dahil hindi na niya inabot na siya mismo ang tumanggap. Ito po ang kanyang kahilingan habang nakaratay,” sabi nito ukol sa asawa na sumakabilang buhay noong Setyembre 21, 2014.

Ipinagmalaki rin ng pamilya ng dating football player at naging basketball cager na si Kurt Bachmann ang pagsali sa prestihiyosong grupo dahil hindi nasayang ang ginawang pagpili ng Fil-German na maging isang Filipino at manatili sa bansa upang maglaro sa iba’tibang internasyonal na torneo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“I am not an athlete, but my father always told me what he feels and how it is to represent your country and stand tall when you hear and sing your national anthem being played. He always mentioned play first for your country and it is only now that I came to realized the meaning and true message of his words,” sabi ng nakatatanda nitong anak na si Robert Bachmann.

Hindi rin makalimutan ng swimmer na si Haydee Coloso-Espino ang itinuturing niyang pinakamasayang bahagi ng kanyang pagiging atleta matapos maging natatanging Pilipino na nagawaran at pinarangalan mismo ng Santo Papa habang tinatanggap ang kanyang medalya.

“I can’t forget the time when I was blessed and congratulated by no less than the Pope while I am in the podium,” sabi ni Haydee Coloso-Espino, na personal na tinanggap ang kanyang plake at insentibo na P100,000 na nakasaad sa Republic Act 8757.

Nakasama nina Del Rosario, Bachmann at Espino ang mga dating basketball player na sina Ed Ocampo at Mariano Tolentino; tennis players Felicisimo Ampon, Johnny Jose, at Raymundo Deyro; track and field athletes Inocencia Solis at Isaac Gomez; shooters Adolfo “Chito” Feliciano at Martin Gison; at swimmers Jacinto Cayco, Gerardo “Ral” Rosario at Mohamad Mala sa ikalawang batch ng Hall of Famers. (ANGIE OREDO)