BATAY sa unang listahan ng Comelec para sa halalan sa Mayo 9, may walong kandidato sa pagkapangulo, anim sa pagka-pangalawang pangulo at 52 sa pagkasenador.
Ang mga tumatakbo sa pagkapangulo ay sina Bise Presidente Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance, Sen. Miriam Defensor-Santiago ng People’s Reform Party, Davao City Mayor Rodrigo Duterte ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, Mel Mendoza ng Pwersa ng Masang Pilipino, Sen. Grace Poe (independent), Mar Roxas ng Liberal Party, Rep. Roy Señeres ng Partido ng Manggagawa at Magsasaka Workers and Peasants Party, at Dante Valencia (independent).
Naranasan ko ang hirap ng pangangampanya mula nang tumakbo ako para sa Kongreso hanggang noong 2010, nang tumakbo ako sa pagkapangulo. Mahirap, hindi lang sa epektong pisikal, mental at maging pinansiyal, kundi dahil iba’t iba ang inaasahan ng mga botante.
Sa pangkalahatan, hinahanap ng mga Pilipino ang isang pangulo na kayang lutasin ang mga suliranin ng bansa. Para sa mga Pilipino, ang pangulo ay pinagkatiwalaan ng kapangyarihan na lutasin ang lahat ng suliranin, kaya sa bandang huli, ang pangulo ang sinisisi sa lahat ng bagay.
Ito rin ang dahilan kung bakit kailangang puntahan ng pangulo ang mga lugar na sinalanta ng kalamidad upang personal na mamahagi ng tulong. Kung iisipin, hindi ito kailangan dahil ang presensiya ng pangulo ay maaari pang makaantala sa pamamahagi ng tulong. Isa pa, may mga nakatalaga nang tao upang gawin ito. Sa kabila nito, hinihingi ng pulitika natin na ang pangulong may kontrol sa sitwasyon ay dapat nasa sitwasyon.
Tinitingnan natin ang pangulo bilang ama o ina ng bansa kaya inaasahan natin ang isang pangulo na magbibigay ng ating pangangailangan, ng pagkain at maging ng edukasyon.
Ito ay isang indikasyon na malayo pa tayo sa pagkakaroon ng maunlad na kulturang demokrasya. Lagi nating inaasahan ang pamahalaan na lutasin ang ating mga problema sa halip na ang mamamayan mismo ang humanap ng paraan upang lutasin ang mga ito.
Naniniwala ako na isa sa mga pangunahing elemento ng demokrasya ang pakikibahagi ng mamamayan sa pamamahala, o ang paglutas sa mga suliranin ng komunidad na hindi umaasa sa tulong ng pamahalaan. (MANNY VILLAR)