IDINARAOS ngayon ang 51st International Eucharistic Congress, na pinangangasiwaan ng Simbahan sa Pilipinas, sa Archdiocese of Cebu. Ang eucharistic congress ay isang banal na pagtitipon ng mga leader ng simbahan—ang kaparian at mga karaniwang tao—na layuning isulong ang mas malalim na kamulatan sa tungkulin ng Eukaristiya sa sa buhay at misyon ng Simbahang Katoliko.
Ang huling Eucharistic congress ay idinaos sa Dublin, Ireland, noong 2012. Sa Dublin inihayag ni Pope Benedict XVI na ang susunod na Eucharistic Congress sa 2016 ay gaganapin sa Pilipinas: “To the people of the Philippines I send warm greetings and an assurance of my closeness in prayer during the period of preparation for this great ecclesial gathering. I am confident that it will bring lasting spiritual renewal not only to them but to all the participants from across the globe.”
Ito ang ikalawang pagkakataon na naging punong abala ang Simbahan sa Pilipinas sa isang natatangi at relihiyosong pagtitipon. Ang una ay noong 1937, sa Maynila.
Pinili ng Holy See ang tema ngayon taon na: “Christ in You, Our Hope and Glory” (Col. 1:27). Umaasa ang mga obispo sa Pilipinas na sa pamamagitan ng okasyon ay higit na lalalim ang pag-unawa ng mga Pilipinong Katoliko sa pagmamahal as Eukaristiya habang naghahanda ang Pilipinas para sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa 2021. Isa rin itong panibagong oportunidad upang ipakita sa mundo ang walang maliw na pananampalataya ng mga Pilipino sa Diyos sa kabila ng maraming trahedya at suliraning gumigiyagis sa ating bansa.
Noong nakaraang taon, pinagpala tayo sa pagbisita ni Pope Francis na tiniyak sa atin na ang Diyos ay laging nasa ating piling at kasama natin sa panahon ng paghihirap. Ngayong taon, sa pamamagitan ng Eucharistic Congress ay muling papaalalahanan tayo sa kakayahan ng Diyos na ipanumbalik ang lahat sa pamamagitan ng pagbibigay ni Kristo ng kanyang sarili na nangyayari tuwing ipinagdiriwang natin ang Eukaristiya.
Sa panahon ng pagtitipon, magkakaroon ng mga talakayan, katekismo, at aral kasama ang mga theologian ng Simbahan na nakatuon sa tema. Naghanda ang Archdiocese of Cebu ng mga kasiyahan na magiging katulad ng taunan nitong Sinulog bilang pagpupugay sa Santo Nino. Ang pagtatapos na Misa sa Enero 31, 2016, ay pangungunahan ng Papal Envoy, si Cardinal Charles Maung Bo, SDB, DD.
Nakikiisa tayo sa Archdiocese of Cebu at sa buong Simbahan sa Pilipinas sa pananalangin para sa 51st International Eucharistic Congress. Nawa’y mapagbago ng kapangyarihan ng Eukaristiya ang ating mga pamilya at ang ating bansa upang tayo ay magsilbing mga buhay na patunay ng presensiya ni Kristo, na magbibigay ng pag-asa sa lahat.