Magpapabilisan sa pagpadyak ang 15 koponan hanggang isang grupo ang hiranging hari ng kalsada sa nalalapit na pagsikad ng 2016 Le Tour de Filipinas (LTdF), na magsisimula sa Antipolo City sa Rizal at magtatapos sa paanan ng tanyag na Mayon Volcano sa Legazpi City, Albay, sa Pebrero.

Masusubukan ang bilis at tatag ng tatlong lokal at 12 dayuhang grupo na sasabak sa ikapitong taon ng Le Tour de Filipinas sa Pebrero 18-21, dahil hindi lang isa kundi dalawang beses nilang kailangang ikutin ang daan sa paanan ng Mayon Volcano sa huling lap ng tinaguriang Category 2.2 Race.

Babanderahan ng 7-Eleven Road Bike Philippines, Kopiko Cebu Cycling Team at PhilCycling National Under 23 ang ating mga lokal na siklista, habang magmumula naman sa United Arab Emirates, Belarus, Japan, United States, Holland, Germany, Korea, Malaysia, Taiwan at Laos ang iba pang kalahok.

May apat na laps ang kabuuang 691-kilometrong karera ng bisikleta.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang “Stage One” ng karera ay may layong 153 kilometro mula sa Antipolo City hanggang Lucena City sa Quezon. Kasama naman sa 204-kilometrong “Stage Two” ang zigzag at paikot na kalsada mula sa Lucena patungong Daet, Camarines Norte.

Ang “Stage Three” sa pangatlong araw ay may 187-kilometrong layo mula Daet hanggang Legazpi City, sa pusod ng Bicolandia.

Ang “Final Stage” sa ikaapat na araw ay may layong 147 kilometro. Dadaan ito sa mga lungsod ng Tabaco at Ligao at sa mga bayan ng Daraga, Camalig, Malilipot, Guinobatan, at Sto. Domingo sa pag-ikot ng mga siklosta ng dalawang beses sa paligid ng Mayon Volcano.

Ang Tour, na gaganapin sa Albay sa unang pagkakataon ay nasa ilalim ng sanctions ng Union Cycliste Internationale (UCI), Asian Cycling Federation at Philippine Cycling Federation.

Sa Albay din idaraos ang Xterra Off Road Triathlon sa susunod na buwan, at kabilang sa mga tatahakin ng off-road course ang malapit sa “lava wall” ng Mayon at ang finish line ay sa makasaysayan at National Cultural Treasure na Cagsawa Ruins.

Ang Albay din ang host sa 2016 Palarong Pambansa, na ang mga kompetisyon ay isasagawa sa lungsod ng Legazpi.

(MARTIN A. SADONGDONG)