LEGAZPI CITY, Albay – Minsan pang mangunguna ang Albay sa pagpapatupad ng isang estratehiya sa mahusay na pamumuno sa pamamagitan ng “barangay level Bottom-Up Budgeting (BuB) scheme”, na rito ay ipagkakatiwala sa mga barangay ang pondo ng bayan para sa mga programang pang-mamamayan.

Sa ilalim ng Barangay BuB, kasama ang Sangguniang Barangay at mga civil society organization (CSO) sa pagsusuri ng pamayanan, pagtukoy at pagbalangkas ng mga proyektong tutugon sa mga pangangailangan, at monitoring sa implementasyon ng mga programang popondohan ng pambansang gobyerno at ipatutupad naman ng mga barangay.

Layunin nitong maibsan ang kahirapan sa mga pamayanan.

Inilunsad ito sa Albay kamakailan sa consultative conference na dinaluhan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad, ng mga opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG), at ni Albay Gov. Joey Salceda at ng iba pang mga lokal na opisyal ng lalawigan, kasama ang 232 barangay chairman mula sa ikalawang distrito ng lalawigan.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Bagamat mga barangay lang sa nasabing distrito ang kinumbida sa konsultasyon, kasama ang lahat ng 720 barangay ng Albay sa unang grupo ng 12,000 barangay sa bansa na una itong ipatutupad, at lahat ay tatanggap ng P500,000 hanggang P1 milyon mula sa gobyerno.