Aminado si Pangulong Aquino na maging siya ay naiinip na rin sa mabagal na usad ng kaso sa madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao, na 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) ang brutal na pinatay isang taon na ang nakararaan.
“Gaya ninyo, ako man po ay naiinip sa bagal ng pag-usad ng sistemang pangkatarungan sa ating bansa. Ika nga: Justice delayed is justice denied,” pahayag ng Pangulo sa paggunita ng unang anibersaryo ng Mamasapano massacre sa Camp Crame, Quezon City, kahapon.
“Makakaasa kayo, kasabay ng pagsigurong nabibigyan ng suporta ang pamilya ng SAF 44, na puspusan ang ating pagsisikap para makamit ang hustisya,” dagdag ni Aquino.
Matapos parangalan ng Punong Ehekutibo ang 44 na tauhan SAF na napatay sa pakikipagbakbakan sa mga puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), pinulong din ni Aquino ang naulilang pamilya ng mga police commando.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na walang parangal at ayuda ang maaaring itapat sa katapangan at kabayanihan ng tinaguriang SAF 44.
“Hindi maghihilom ang sugat sa nangyaring trahedya kung, isang taon na ang nakalipas, ay mailap pa rin ang hustisya sa kanilang pagkamatay. Ang tanong nga: Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin napapanagot ang mga dapat managot?”
tanong ng Pangulo.
Samantala, tiniyak ng Department of Justice (DoJ) sa naulilang pamilya ng SAF 44 na hindi inuupuan ng kagawaran ang kaso laban sa 90 akusado, kabilang ang mga miyembro ng MILF at BIFF, hinggil sa madugong engkuwentro.
“Whether or not today is the anniversary, the DoJ is still focus on delivering justice to all parties concerned and I was just speaking with Prosecutor General Claro Arellano a while ago and we were talking about the resolution of these cases that have been filed against individuals involved in Mamasapano. So please wait. I would imagine that the resolution would be coming out shortly,” giit ni Justice Secretary Emmanuel Caparas.
(GENALYN D. KABILING at LEONARD D. POSTRADO)