Hindi man siya nagagamit ngayong ongoing PBA Philippine Cup finals ay nais pa rin na makatulong ni San Miguel Beer forward Nelbert Omolon sa kanilang title series kontra Alaska Aces.

Sa kanilang private messenger account ay nagpadala si Omolon sa kaniyang teammates ng video na nagpapakita ng documentary ng maalamat na Boston Red Sox, ang tanyag na baseball team na nakabalik buhat sa 0-3 deficit upang angkinin ang 2004 American League Championship laban sa New York Yankees.

Asam ng San Miguel na makabangon sa 0-3 hole kontra Aces sa kanilang best-of-seven title showdown.

Bago ang Game 4 ay naalala ni Omolon ang pinagdaanan niyang training camp sa Boston noong 2008 habang naglalaro pa siya sa Sta. Lucia Realtors.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

“Yun ang sikat noon at madalas nababanggit sa amin na sila nga yung team na nakabalik sa 0-3. Hinanap ko sa youtube yung documentary ng Red Sox tapos pinadala ko sa teammates para maisip namin na kaya pa namin makabalik,” ani Omolon.

Noong Linggo sa Philsports Arena ay pinataob ng Beermen ang Aces, 110-104 upang ibaba sa 3-1 ang series edge ng Alaska.

“Malaking morale yun kasi may capacity yung team na manalo ng diretso. Sabi nga ni coach Leo (Austria) kami yung may pinakamahabang winning streak ngayong conference. Kung kaya nilang manalo ng diretso, kaya din siguro namin na manalo ng diretso,” dagdag ni Omolon.

Hindi naman matatawaran ang experience ng San Miguel pagdating sa championship series dahil ang current core ng Beermen ay nagbulsa ng dalawa sa tatlong conferences noong nakaraang season.

Pagpasok ni Austria sa koponan ay agad na ibinulsa ng Beermen ang Philippine Cup crown noong 2015 bago inilista sa kanilang libro ang Governors’ Cup ng parehong season.

“Yung mga teammates ko hindi na kailangang i-motivate kasi self-motivated lahat. Hindi mo makikitaan na may bumibigay,” ani Omolon “Makikita mo na sanay na sa ganoong laro. Siguro kasi subok na halos lahat.”

Ang 35-anyos na si Omolon ay piniling 8th overall ng Realtors noong 2004 Rookie Draft na naglaro ng anim na seasons bago nalipat sa Meralco, Air21 at San Miguel Beer. (Dennis Principe)