CAMP DANGWA, Benguet - Nananawagan ang pamilya ng isa sa mga tinaguriang “SAF 44” na huwag gamitin sa pulitika o sa panahon ng eleksiyon ang muling pag-iimbestiga sa pagkamatay ng 44 na police commando sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, na ang isang taon ng kabayanihan ay ginunita kahapon.

“Pabor ako sa re-opening ng investigation, para malaman ang katotohanan at mapanagot ang may sala,” pahayag ni Edna Tabdi, ina ni Senior Insp. Gednat Tabdi, ng La Trinidad, Benguet. “Umaasa kami sa muling imbestigasyon na magkakaroon ito ng kabuluhan. Pero sana totohanin ito, at huwag magamit o paggamit sa pulitiko sa isyung ito.”

Si Tabdi, na kabilang sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2009, ay isa sa dalawa sa SAF 44 na ginawaran kahapon ng Medal of Valor, ang pinakamataas na parangal sa PNP.

“Sana ay magkaroon ng linaw sa re-opening ng imbestigasyon [tungkol sa] totoong nangyari, upang makatulong ito sa bigat ng loob na nadarama [namin] sa iba’t ibang negatibong isyu tungkol sa SAF 44,” sabi pa ni Ginang Tabdi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Panahon ng eleksiyon ngayon, at sana ay huwag nilang gamitin ito at hayaan natin na lumitaw ang katototohan, para sa katarungan, hindi lang sa aking anak, kundi para sa buong SAF 44,” dagdag niya.

Nagpaabot naman ng pakikidalamhati si Chief Superintendent Robert Quenery, deputy regional director for administration ng PRO-COR, sa mga pamilyang naulila ng SAF 44.

Sinabi ni Quenery na pabor sila sa re-opening ng imbestigasyon, at handa, aniya, ang pulisya na suportahan ang muling pagsisiyasat sa insidente.

Simple ang naging paggunita kahapon ng mga pamilya, mga kaanak, at mga kaibigan ng 14 sa SAF 44 na pawang taga-Cordillera, sa unang anibersaryo ng madugong engkuwentro, na idinaos sa Camp Bado Dangwa sa La Trinidad.

Isang programa ang inihandog ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera sa pamamagitan ng wreath laying sa Heroes Wall ng PRO-COR, kasunod ang pagpapalipad ng mga puting lobo, at pagtatanim ng mga puno bilang simbolo ng kabayanihan ng mga nasawing police commando, matapos ang pagdiriwang ng 12th PNP Day. (RIZALDY COMANDA)