Inamin ni eight-division world champion Manny Pacquiao na kabilang si Juan Manuel Marquez sa gusto niyang huling makalaban bago magretiro sa boksing pero umiwas lamang ang Mehikano kahit may malaking alok na premyo ang Top Rank Promotions.

Huli silang naglaban ni Marquez noong Disyembre 8, 2012 sa Las Vegas, Nevada kung saan napatulog si Pacquiao sa 6th round matapos tamaan ng itinuturing niyang “lucky punch” bagamat may pagdududa noon na gumamit ito ng performance-enhancing drugs (PEDs).

Apat na beses naglaban sina Pacquiao at Marquez pero lamang pa rin ang Pinoy boxer na may dalawang panalo habang ang unang laban ay idineklarang tabla kahit tatlong beses gumulong sa lona ang Mehikano.

Mas nakatitiyak na papatok sa HBO pay per view ang Pacquiao-Marquez IV pero pinili na lamang ng Pambansang Kamao na hamunin si Timothy Bradley dahil maganda ring magretiro siyang isang kampeong pandaigdig.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Para kay Pacquiao, dapat na hayaan na lamang si Marquez na lasapin ang linamnam ng panalo sa kanya sa apat nilang laban.

“It’s OK,” sabi ng nakatawang si Pacquiao sa BoxingScene.com sa press conference kamakailan sa Madison Square Garden sa New York City para sa promosyon ng kanilang laban ni Bradley. “Let him enjoy what he did to me. Give him credit.”

Maging si Hall of Fame trainer Freddie Roach ay naniniwalang hindi na talaga lalabanan ni Marquez si Pacquiao matapos ang huling laban na mapapatulog na ito nang tamaan ng matinding kanan ang Pinoy boxer habang nakayapak sa isang paa nito.

“He likes the way that last one ended, I think, too much,” giit ni Roach. “Of course, it is the reason a fifth fight hasn’t happened.”

Huling lumaban ang 42-anyos na si Marquez nooong Mayo 2014 nang talunin niya sa 12-round unanimous decision ang Amerikanong si Mike Alvarado sa WBO welterweight eliminator bout. (Gilbert Espeña)