Hinikayat ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak sa ilalim ng free immunization program ng siyudad, upang mabawasan ang bilang ng namamatay na kabataan sa lugar.

Sinabi ni Dr. Isaias Ramos, hepe ng Taguig City Health Office, na mahalaga ang pagbabakuna sa buhay ng mga bagong silang hanggang 11 buwan dahil ang mga ito ang mas madaling dapuan ng iba’t ibang karamdaman.

Sa pamamagitan ng bakuna, nababawasan ang mga namamatay na sanggol, ayon kay Ramos.

Aniya, kayang protektahan ng bakuna ang mga sanggol sa iba’t ibang impeksiyon at karamdaman, tulad ng polio, tuberculosis, tetanus, hepatitis, tigdas, at iba pa.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Patuloy naman ang pag-iikot sa iba’t ibang komunidad ng mga Taguig City health official upang kumbinsihin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang sanggol.

Ayon kay Daisy Bulacan, supervisor ng Taguig City Health Office, kapag nabigo ang isang ina na pabakunahan ang kanyang sanggol sa health center, bibisitahin sila ng mga health official upang maisakatuparan ito sa ilalim ng programang “Reaching Every Purok” o REP.

Ang libreng bakuna ng Taguig City ay kinabibilangan ng Bacillus Calmette-Guérin (BCG), hepatitis B, Penta Hib, OPV, IPV, at MMR (Measles, Mumps, Rubella) sa ilalim ng Expanded Program on Immunization. (Betheena Kae Unite)