Malaki ang kakulangan sa espasyo para sa kinakailangang mga pasilidad sa sports.

Ito ang sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia bilang paliwanag sa plano nilang pagpapatayo ng beach volley sand court sa gitna ng track oval ng Philsports Complex sa Pasig.

“If only we have a training center, hindi problema iyan,” sabi ni Garcia.

Idinagdag din niya na sana ay alamin muna ng mga opisyales ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ang kabuuang plano para sa ninanais nitong paglalagay ng sand court sa pinakagilid ng track oval para malaman kung direktang maapektuhan ang pagsasanay at paghahanda ng kanilang mga atleta.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“They (PATAFA) should have talked to us first para malaman nila kung ano ba ang plano at paano ang gagawin doon sa sand court kung may magsasanay o mag-eensayo na mga atleta,” paliwanag ni Garcia.

Ipinaliwanag ni Garcia na tinantiya ng mga engineer na kanilang kinuha ang serbisyo para sa pagtatayo ng sand court na mayroon itong 80 metro na malayo sa espasyo ng mga throwing events. Modular o de-tanggal din ang mga poste na ilalagay sa sandcourt para hindi makaabala kung magsasanay ang mga atleta sa track and field.

“Sila mismo ay aminado na tumatapon lamang ng 60 hanggang 62 metro ang mga atleta nila. Siguro, kung maron na makakahagis ng javelin, o hammer, o discus plate na lalampas sa 80 metro, ipapadala namin kaagad sa Olympics,” pagbibiro pa ni Garcia.

Hangad umano ng PSC na mabigyan ng lugar na pagsasanayan ang mga atleta sa event na beach volleyball na una nang nakapagbigay ng tansong medalya sa bansa noong 2005 mula sa tambalan ng mga Fil-Am na sina Heidi Ilustra at Diane Pascua.

“Sana naman ay isipin nila na hindi lamang sila ang makagamit ng pasilidad, eh paano naman iyung ibang sports at atleta na gusto din naman natin na mai-develop,” sabi ni Garcia. .

Sinabi pa ni Garcia maaari ding gamitin ang sand court sa muling paghu-host ng Pilipinas ng Southeast Asian Games sa 2019. (ANGIE OREDO)