Nabigo si Southeast Asian Games multi-medalist Richard Gonzales na maulit ang kanyang third place finish noon 2014 makaraang umabot lamang ng quarterfinals sa kanyang ginawang paglahok sa 2016 World Championship of Ping-Pong na ginanap sa Alexandra Palace sa London.

Naputol sa dalawang sunod ang panalo ng 44-anyos na si Gonzales makaraang yumukod sa eventual champion na si Andrew Baggaley ng England, 2–0, (15-8, 15-12).

Mula roon ay inangkin ng Briton ang titulo matapos magwagi sa marathon 5-set kontra kay Maxim Shmyrev ng Russia, 3-2, (13-15, 15-5, 14-15, 15-14, at 15-11).

Kasalukuyang No.1 player ng Pilipinas si Gonzales, gold medalist noong 2005 Southeast Asian Table Championship ay unang nagwagi laban kina Filip Mlynarski ng Poland, 2-0 (15-10, 15-10), at si Dmytry Popov ng Russia sa tatlong set, 15-12, 11-15, 15-7, para makausad sa Final Eight.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Isa ang Cebuanong si Gonzales sa mga pambansang atleta na nagnanais na magkuwalipika sa nalalapit na 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Brazil.

Naging konsolasyon naman para sa Pinoy ang pag-uuwi ng premyong $3000 dahil sa kanyang pag-abot ng quarterfinal round.. (Angie Oredo)