Kahanga-hanga man ang ipinakitang panalo ni undefeated welterweight champion Danny Garcia ay hindi pa ito sapat para masabi na isa siya sa mga susunod na superstars ng boxing sa oras na tuluyang magretiro si Manny Pacquiao.
Ayon kay dating two-division world champion Gerry Peñalosa, malaki man ang following ni Garcia at maituturing na may poster boy image, malayo pa ang lebel ng talento nito kumpara kay Pacquiao.
Naglista si Garcia ng 12-round unanimous decision win kontra former world champion Robert Guerrero nitong Linggo sa Staples Center sa Los Angeles upang angkinin ang bakanteng WBC welterweight crown.
“Dikit yung laban pero deserving naman si Garcia sa panalo. Magaling din siya and nakita natin na maraming fans.
Pero tingin ko malayo pa siya sa level ni Pacquiao. Dapat siguro labanan niya yung mga magagaling na boxers sa dibisyon niya,” ani Peñalosa.
Ang 27-anyos na si Garcia (32-0, 18 knockouts) ang isa samga ipinoporma nilang superstar ng boxing ngayon na nagdeklara na si Pacquiao ng kaniyang planong pagreretiro matapos ang kanyang 12-round bout kay American Tim Bradley ngayong Abril sa Las Vegas.
Para kay Peñalosa, isa sa mga dapat na labanan ni Garcia ay si British superstar Amir Khan na minsan nang tinalo ng Puerto Rican-American champion via 4th round TKO noong July 2012 sa Las Vegas.
“Magandang laban pa din yun kasi iba na din ang kilos ni Amir Khan after nung talo niya kay Garcia,” ani Peñalosa.
Bukod kay Khan ay nababanggit din ang pangalan ni former world champion at one-time Pacquiao sparmate Shawn Porter nac haharap muna kay defending champion Keith Thurman para sa WBA welterweight crown ngayong Marso. (DENNIS PRINCIPE)