Muling magtutuos ang defending men’s champion na Emilio Aguinaldo College at University of Perpetual Help sa isang winner-take-all match upang pag-agawan ang titulo ng men’s division ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Naitakda ang deciding Game Three ng finals series ngayong 2:00 ng hapon matapos na itabla ng Altas ang kanilang duwelo ng Generals sa pamamagitan 20-25, 25-21, 25-20, 25-19, sa Game Two noong Biyernes.

Ang kanyang kakulangan sa “height” ay pinunan ni Rey Taneo, Jr. ng kanyang malaking puso sa laro matapos pangunahan ang Altas sa itinala niyang 16 na puntos na kinabibilangan ng 13 hits.

Bukod kay Taneo, isa sa inaasahang sasandalan ni coach Sammy Acaylar para makumpleto ang hangad na upset ang 6-foot na si Ranidean Philipe Abcede na nagposte ng apat sa kabuuang 11 blocks ng kanilang koponan sa Game Two.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Everything will rely on how our defense holds. If we can play like the way we did in Game Two, we’ll have a chance,” pahayag ni Acaylar, na mayroon nang 10 men’s, 8 juniors at 3 women’s championships magmula nang maging head coach siya sa Las Piñas-based school tatlong dekada na ang nakalilipas.

Ang ipinakitang matinding depensa ng Perpetual ang pumigil sa reigning league MVP na si Howard Mojica sa tangkang higitan ang 22 puntos na produksiyon nito noong Game One kung saan giniyahan niya ang Generals sa 22-25, 25-14, 14-25, 16-25 tagumpay.

Ngunit taliwas sa nangyari noong “series opener”, bagamat umiskor muli ng 22-puntos si Mojica, wala na itong nakuhang sapat na suporta mula sa kanyang mga kakampi.

Samantala sa women’s division, tatangkain nng College of St. Benilde na makumpleto ang tangka nilang pag-ugit ng bagong pahina sa kasaysayan ng liga sa paghaharap nilang muli ng San Sebastian College sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon.

Naghahabol sa taglay na bentaheng thrice-to-beat ng top seed Lady Stags, tinalo ng Lady Blazers ang una ng dalawang sunod kabilang na ang 25-23, 21-25, 25-22, 25-16, sa kanilang ikalawang laro sa kampeonato upang makalapit sa asam nilang unang kampeonato sa liga.

“Tsansa na naming ito para manalo ng championship, kaya pipilitin na naming hindi masayang ang pagkakataon,” pahayag ni St. Benilde coach Michael Carino.

Sa kabilang dako, inaasahan naman ni Lady Stags coach Roger Gorayeb na magpapakita ng puso sa laro at bibigyan ng sapat na suporta ng iba pa niyang mga players ang reigning MVP na si Grethcel Soltones na halos mag-isang binabalikat ang laban para sa koponan.

“We need to play as a team. Hindi naman puwedeng asa na lahat kay Grethcel,” pahayag ni Gorayeb. (Marivic Awitan)