IN-UPDATE ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang 1995 Master Plan para sa patuloy na pangangasiwa sa Laguna Lake de Bay Region, sa pamamagitan ng mahusay na pamamahala, transparency, at kapangyarihan. Ang plano ay nagtatakda ng pangunahing direksiyon mula sa 2015 pasulong, na nakatutok sa pagpapaunlad sa mga proyekto at iba pang kaugnay na mga gawain. Ang Master Plan ng LLDA ay pinagtibay ng board of director ng LLDA noong Disyembre 15, 2015 sa LLDA Board Room sa Diliman, Quezon City.
Hulyo 7, 2015 nang buuin ang isang Technical Working Group upang matiyak ang mahusay na suporta para sa updating ng Master Plan. Ang TWG, sa patnubay ni dating LLDA Assistant General Manager Dolora N. Nepomuceno, ay sama-samang gumawa ng paghahanda at ng finalization ng plano. Isang stakeholder’s consultation ang ginawa ng LGUs, pribadong sektor, fish pen at fish cage operator at academe. Ang consultation ay idinaos noong Setyembre 11, 2015 sa LLDA Conference Room sa Quezon City, at layuning mabatid ang mga pananaw, opinyon, impormasyon, at rekomendasyon para sa rekonsiderasyon at pag-update. Nagkaroon din ng dalawang araw na write shop para sa pag-update sa LLDA 1995 Master Plan noong Nobyembre 9-10, 2015, sa LLDA Green Building. Itinuring na consultant ang LLDA bilang pangunahing tagasulong, may-ari at makikinabang sa updated na Master Plan. Mahalaga na ang mga opisyal at mga tauhan ay malinaw at nagkakaisa sa mga layunin sa pag-update ng plano, tumutukoy sa mga pananaw, layunin, pangunahing mga prayoridad na may kaugnayan sa isyu, malasakit at kaugnay na mga estratehiya.
Kabilang sa mga layuning tinalakay sa dalawang araw na write shop ay ang tungkol sa mga nagawa sa mga sinundang plano, programa, at mga proyekto ng LLDA; report ng mga bagong programa, proyekto; at kalagayan ng mga accomplishment at mga ibinunga nito. Tutukuyin din ang mga isyu na kailangan pang bigyang-pansin, susuriin ang ini-report sa 2011 SMDP (sustainable development master plan), kukumpirmahin ang pananaw, misyon, at mga layunin mula sa 2015 visioning workshop. Tutukuyin maging ang mga estratehiya, pangunahing solusyon, intervention, kasama ang bagong dagdag na mga programa, proyekto, at layunin na dapat matupad.
Disyembre 15, 2015 naman nang iniharap ni Dr. Cesar M. Quintos, Division Chief III ng PPIMD (Policy Planning & Information Management Division), ang plano sa Board of Directors. Isusumite naman ng pangasiwaan ang implementation plan and categorization ng mga programa at proyekto, na alinsunod sa soft and hard infrastructures, sa unang quarter ng 2016. (CLEMEN BAUTISTA)