BAGO pa nagkaroon ng automated elections sa bansa, ang pag-iimprenta ng Commission on Elections (Comelec) ng mga balota ay isa lamang simpleng bagay. May espasyo sa balota para sulatan ng botante ng pangalan ng kanyang kandidato sa pagkapangulo, isa pang espasyo para sa napipisil niyang bise presidente, 12 espasyo para sa mga senador, isa para sa kongresista, at isang espasyo para sa ibobotong party-list group.

Para sa mga opisyal sa mga lalawigan, may isang espasyo para sa ibobotong gobernador, isa pa para sa bise gobernador, at ilang espasyo para sa mga board member. Para sa mga opisyal ng munisipalidad, may espasyo para sa napipisil na maging susunod na alkalde, isa para sa bise alkalde, at ilan para sa mga konsehal.

Nagbago ang lahat ng ito sa pagsisimula ng automated elections noong 2010. Ngayon, ang pangalan ng lahat ng kandidato ay dapat nang nakaimprenta sa balota, at may maliit na kahon sa tapat nito. Ise-shade ng botante ang kahon sa tapat ng ibobotong kandidato; ito ang binabasa ng election machine kapag binilang na ang mga boto.

Sa huling paghahain ng mga certificate of candidacy, 130 ang naghain ng kandidatura sa pagkapangulo, 52 sa pagka-bise presidente, at 172 para senador. May 127 party-list group din na nakarehistro. Ang mga bilang na ito ay nabawasan na ng Comelec sa walo para sa pagkapresidente, anim sa bise presidente, at 52 para senador.

Idagdag pa sa mga pangalang ito ang sa mga lokal na kandidato at magkakaroon tayo ng napakahabang balota na may daan-daang pangalan ng mga tao at organisasyon. Kaya naman kailangang paiksiin ng Comelec ang listahan sa pamamagitan ng pagdedeklara sa ilan bilang nuisance candidates o mga walang kakayahan na maglunsad ng isang lehitimong kampanya.

Sa lahat ng ito, pinoproblema rin ngayon ng Comelec kung isasama pa sa balota ang mga pangalan ng ilang kandidato na posibleng madiskuwalipika ng Korte Suprema. Nakabitin ngayon sa kawalan ng kasiguruhan ang mga kandidato sa pagkapangulo na sina Sen. Grace Poe at Mayor Rodrigo Duterte.

Plano ng Comelec na simulan na ang pag-iimprenta ng mga balota sa Enero 27, ngunit iniurong ito sa Pebrero 1, dahil sa usapin sa mga madidiskuwalipika. Gayunman, oral argument pa lang ang itinakda sa mga session ng Korte Suprema, at hindi pa mailalabas ang pinal na desisyon bago sumapit ang Pebrero 1.

Ang kawalang katiyakang ito ay hindi makatarungan sa lahat ng kandidato at hindi nakatutuwa para sa mga botante.

Dahil napakahalaga ng eleksiyon ngayong 2016—ang paghahalal sa pinakamatataas na opisyal ng bansa—hinihikayat namin ang kinauukulang mga opisyal, partikular na ang mga mahistrado ng Korte Suprema, na pabilisin ang kanilang mga deliberasyon at agad na magpasya bago sumapit ang Pebrero 1. O maaari rin namang magkaroon sila ng informal agreement sa Comelec sa mas atrasadong petsa na magpapalaho sa problema sa kawalang katiyakang ito.