Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na marami pa ring driver ng pampasaherong bus ang lumalabag sa yellow lane scheme sa EDSA, kumpara sa mga pribadong motorista.

Ilang araw matapos muling maghigpit ang ahensiya sa pagpapatupad ng patakaran, sinabi ng MMDA na umabot sa 70 bus driver ang nahuli ng mga traffic enforcer dahil sa pagmamaneho sa labas ng yellow lane, partikular sa southbound lane ng EDSA—mula sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong City hanggang Guadalupe sa Makati City.

Samantala, umabot naman sa 61 ang bilang ng driver ng pribadong sasakyan na nahuli dahil sa pagmamaneho sa loob ng yellow lane.

Nanindigan si MMDA Chairman Emerson Carlos na mas maikli ngayon ang oras ng biyahe ng mga public utility bus dahil sa mahigpit na implementasyon ng yellow lane policy.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa labas ng yellow lane, kapansin-pansin ang pagsisiksikan ng mga sasakyan na patungong Ayala Avenue, lalo na tuwing rush hour.

Samantala, sinabi ni Carlos na isusulong pa rin nila ang “no physical contact” policy para sa mga pasaway na motorista.

Hindi tulad ng manu-manong pag-iisyu ng traffic violation ticket, hindi na kailangang ipatigil ang mga sasakyan na lumabag sa batas trapiko sa ilalim ng “no physical contact policy”, na tutukuyin sa pamamagitan ng digital camera at closed circuit television (CCTV). (Anna Liza Villas-Alavaren)