Ni ADOR SALUTA

Zanjoe Marudo
Zanjoe Marudo
PAGKATAPOS ng dalawang family-oriented soap sa Kapamilya, nagbabalik  si Zanjoe Marudo sa kanyang forte, ang love drama o rom-com. Kaya sa presscon ng Tubig at Langis, laking pasasalamat niya kay Direk Ruel S. Bayani, ang business unit head, na nabigyan siya ng pagkakataong makatambal ang leading ladies na sina Cristine Reyes at Isabelle Daza.

“Nagpapasalamat ako kay Direk Ruel Bayani na in-offer sa akin itong Tubig at Langis dahil for the longest time ang ginagawa ko puro mga light, eh, ‘tapos family (oriented program). Family drama rin ito pero more of may love story siya, eh, may romance.

“Nakakatuwang na-offer sa akin ang ganitong klaseng project kasi ang tagal ko nang hindi nakakagawa ng love story. So, ito heavy drama, gusto ko mapanood ulit ng tao na after ilang years, almost ten years ko sa showbiz na makita nila ulit ako na gumagawa ng serious na character,” masayang bungad ng aktor.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Apat na beses silang nagkatrabaho ni Cristine kaya hindi na sila nagkakailangan.

“Professional kasi kami pagdating sa trabaho. Hindi namin hinahaluan. Siyempre natuwa ako na magkatrabaho kami ulit ni AA (Cristine) ngayon. Kasi wala naman talaga akong love team na nakakatrabaho, so siya yung pinakamadalas kong nakakasama. And the best thing kay Cristine lagi niyang pinaparamdam sa akin na -- kasi mahiyain ako, eh, pag sa mga eksena na kagaya dito mag-asawa kami siyempre -- so nakakatuwa na lagi niyang pinaparamdam sa akin na maging komportable ako sa kanya. Malaking tulong ‘yun para makakilos ako para magawa ko ‘yung mga scenes namin bilang mag-asawa,” ani Zanjoe.

Bilang pagpapatunay na magkaibigan talaga sila, nagkakasabihan sila ng kanya-kanyang personal na mga problema.

“Siguro nasa tamang edad na kaming lahat na kapag kunwari may problema ‘yung isa, mararamdaman mo naman ‘yun kung gusto niya makipag-usap o gusto niya ng space. Gano’n, ‘binibigay mo lang kung ano ‘yung kailangan ng kasama mo, kung gusto niya ng kadamay o gusto niya trabaho lang muna, tahimik.”

Hindi naman daw nakakaapekto sa kanyang trabaho ang hiwalayan nila ni Bea Alonzo.

“Masaya sa set namin, eh. Kahit mabigat ‘yung storya pero ‘pag hindi na namin ginagawa ‘yung eksena masaya kaming lahat. May caterer kami na laging nagpapasaya sa akin, si Ate Nads (Montenegro) kung ano ‘yung paborito kong pagkain ando’n. Si Archie (Alemania) na maraming laman ‘yung cellphone na scandal,” sabay tawa. 

“Basta masaya sa set. No’ng umpisa kasi parang ‘pag gumawa ka ng isang movie or isang teleserye ramdam na ramdam mo ‘yung trabaho ‘pag papasok ka sa set kasi ginagawa n’yo ‘yung pilot. Pero ngayon na nakausad na kami, excited ka na kasi gusto mo na makita ‘yung mga katrabaho mo,” pahayag ni Zanjoe.