Bigo ang mga kapitbahay ng isang tricycle driver na isalba ang kanyang buhay matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang kasamahan sa Barangay Payatas A, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Base sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Criminal Investigation and Detection Unit, natagpuan ang malamig na bangkay ni Benjie Reario sa Everlasting Street sa Barangay Payatas A, dakong 11:30 ng gabi nitong Sabado.

Sinabi ni Gilberto Moratalla, isa ring tricycle driver, na kumalat sa kanilang komunidad na nasaksak si Reario habang nakapila at naghihintay ng pasahero sa Jasmin Street.

Tinangka ni Moratalla na hanapin ang kanyang kaibigan subalit hindi niya ito mahanap, kaya umuwi na lang siya makalipas ang ilang oras.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Ngunit nang buksan niya ang pinto sa likuran ng kanyang bahay, bumulaga sa kanya ang bangkay ni Reario na puno ng dugo at may hawak pang kutsilyo.

Samantala, sinabi ng tricycle driver na si Fidel Banawe na pinigil siya ng tatlong lalaki upang maisakay ang kanilang duguang kasamahan at madala sa East Avenue Medical Center.

Lumitaw din sa imbestigasyon na nanalo si Reario sa sugal nang madaanan niya ang tatlong tricycle driver having nag-iinuman ang mga ito. Humingi umano ang tatlo ng balato kay Reario subalit tumanggi itong magbigay.

Pinaghahanap na ng pulisya ang tatlong tricycle driver, na nakilala lamang bilang “Nano”, “Kwato”, at “Reggie.” - Vanne Elaine P. Terrazola