Kinondena ng mga miyembro ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang pagbabanta sa buhay ng kanilang leader na si George San Mateo.

Ipina-blotter ni San Mateo, national president ng PISTON at unang nominado ng PISTON Party-list, ang pagbabanta sa kanyang buhay sa natanggap niyang text message mula sa hindi nagpakilalang indibiduwal noong Enero 18.

Ayon sa mensahe sa text mula sa cell phone number na 0928-9568015, inupahan umano ang texter ng tatlong leader ng transport groups na nagtulungan para makalikom ng pondo sa pagpapalikida kay San Mateo.

Iginiit ng PISTON na ang pagbabanta kay San Mateo ay “desperadong hakbang para patahimikin ang grupo na kaisa sa mainit at tuluy-tuloy na paglaban ng mga tsuper at operator laban sa jeepney phase-out at iba pang pahirap na patakaran ng rehimeng Aquino.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tiwala ang grupo na bahagi rin ito ng “Oplan Bayanihan” ng rehimeng Aquino na itinuturong nasa likod ng harassment sa mga militante at leader ng iba’t ibang unyon.

Sakaling ipatupad ng gobyerno ang jeepney phase-out, mawawalan ng trabaho ang mahigit 600,000 driver at 250,000 operator sa bansa.

Nobyembre 2015 nang ilegal umanong inaresto at pinahirapan ang isang provincial coordinator ng PISTON sa Cavite.

Samantala, maaari ring ituring na “election-related” ang pagbabanta kay San Mateo, dahil nangyari ito sa gitna ng paghahanda ng PISTON Party-list sa muling paglahok sa halalan.

“Maaari ring may kinalaman ito sa pagtakbo ng PISTON sa Party-list elections. Dati na kaming biniktima ng panunupil ng rehimeng Aquino noong una kaming tumakbo sa party-list noong 2013. Nasa balangkas din ng Oplan Bayanihan na pigilin ang pagdami ng mga progresibong party-list sa Kongreso,” ani San Mateo. (Bella Gamotea)