Pinuri ng senatorial bet na si Leyte Rep. Martin G. Romualdez ang bicameral conference committee na tumatalakay sa panukalang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) sa pagpapanatili nito sa probisyon na nagtataas ng tax exemption ceiling para sa mga balikbayan box sa P150,000 mula sa kasalukuyang P10,000.

Aniya, ang naging hakbang ng bicameral panel ay patunay na kinikilala at nakikiisa ang Kongreso sa mga overseas Filipino worker (OFW) na malaki ang naitutulong sa ekonomiya ng bansa.

“I fully support this provision in the bill as this would demonstrate government’s compassion or malasakit for the millions of overseas Filipino workers whom we hail as ‘bagong bayani’ for keeping the economy afloat with their regular remittances,” pahayag ng House independent bloc leader.

Isang abogado at miyembro ng House Committee on Ways and Means, sinabi ni Romualdez na dapat pagkalooban ng maraming benepisyo at insentibo ang mga OFW na nagsasakripisyo sa ibang bansa upang maitawid sa gutom ang kanilang pamilya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakasaad sa panukalang CMTA na pinapayagan ang isang OFW na makapagpadala hanggang tatlong balikbayan box kada taon na naglalaman ng P150,000 halaga ng taxable items na hindi maaaring ikalakal.

Pinahalagahan din ni Romualdez ang probisyon na nagkakaloob ng tax exemption sa mga personal na gamit na hindi hihigit sa P350,000 ang halaga na iuuwi ng mga Pinoy matapos manirahan sa ibang bansa nang hindi bababa sa 10 taon.

Umaasa si Sen. Edgardo “Sonny” Angara Jr., chairman ng Senate Committee on Ways and Means at sponsor ng CMTA Bill, na mararatipikahan ang bicameral conference committee report hinggil sa naturang panukala sa susunod na linggo.

Tinataya ng tuwing tatlo hanggang apat na buwan, nagpapadala ang mga OFW ng P80,000 halaga ng pasalubong sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng balikbayan box. (Charissa M. Luci)