Binigyan ng kaukulang pagkilala ng International Basketball Federation (FIBA) ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpo-post ng lumang litrato ng unang panalong nakamit ng Pilipinas sa Olympics.

Sa kanilang official Facebook page, inilagay ng FIBA ang isang larawan ng mga Pinoy cagers na hindi na nailagay ang mga pangalan habang naglalaro sa 1936 Berlin Olympics, 80 taon na ang nakakalipas.

Ang larawan ay kuha nang talunin ng koponan ng Pilipinas ang Mexico para sa una nilang laro at una nilang panalo noong 1936 Olympiada sa iskor na 32-30.

Dahil sa panalo, umusad ang mga Pinoy sa second round kung saan tinalo nila ang Estonia, 39-22, bago yumukod sa eventual gold medal winner na Estados Unidos sa quarterfinals sa iskor na 23-56.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Nagpatuloy naman ang mga Pinoy sa kanilang kampanya sa classification round kung saan tinalo nila ang Italy, 32-14, at ang Uruguay, 33-23, upang magtapos na panglima, ang pinakamataas na pagtatapos na naitala ng isang Asian team sa quadrennial games na hindi pa napapantayan at nabubura hanggang sa kasalukuyan.

Binansagan noon na “Islanders”, ang Pilipinas ay isa sa 23 bansa na lumahok sa unang pagkakataon na idinaos ang basketball sa Olympics.

Samantala, huling nakapasok o nag-qualify ang bansa sa Olympics noon pang 1972.

Ngayong taon, magtatangka ang Gilas Pilipinas na muling makapaglaro sa Olympics na nakatakdang ganapin sa dararting na Agosto sa Rio de Janeiro sa Brazil sa pamamagitan ng kanilang pagsabak sa FIBA World Olympic Qualifying Tournament na gaganapin dito sa bansa sa Hulyo.