PANGUNGUNAHAN ng Philippine National Police (PNP) ang paggunita ngayong Lunes sa unang anibersaryo ng trahedya sa Mamasapano, na 44 na Special Action Force (SAF) commando ng PNP ang napatay.
Hindi na kataka-taka na nananatiling mainit ang usapin sa insidente ng Mamasapano kahit isang taon na ang nakalipas. Kabi-kabila na ang mga imbestigasyon ng Senado at Kamara, ng Department of Justice at National Bureau of Investigation, at ng mismong PNP.
Gagawaran din ng gobyerno ang dalawa sa 44 na tauhan ng SAF na napatay sa Mamasapano ng Medal of Valor, ang pinakamataas na parangal sa PNP. Inihayag din ng gobyerno na tumanggap na ang 44 na naulilang pamilya ng mahigit P80-milyon halaga ng mga benepisyo mula sa iba’t ibang ahensiya, kabilang na ang Office of the President.
Ang pinuno ng PNP noong Enero 2015, na siyang nagplano sa operasyon, ay nasibak na sa kanyang tungkulin, dahil sa usurpation of authority sapagkat suspendido na siya ng Ombudsman nang mga panahong iyon, at dapat na walang naging bahagi sa operasyon na tinaguriang Oplan Exodus. Tinanggal na rin sa puwesto ang hepe ng SAF ng mga panahong iyon. Naisampa na ng DoJ ang mga kaso sa Office of the Ombudsman laban sa ilang suspek, na itinuturong bumaril sa mga biktima.
Ngunit sa ngayon, isang taon matapos ang paglalaban sa Mamasapano, Maguindanao, walang kahit isa sa mga hakbanging ito ang nagawang magpalimot sa insidente. Patuloy na humihiyaw ng hustisya ang mga pamilya ng 44 na tauhan ng SAF.
Nitong Enero 16 ay nagkaroon ng maagang paggunita sa anibersaryo sa Baguio City, na partikular na nagbigay-pugay sa 14 sa mga napatay sa SAF na nagmula sa Cordilleras. Kasama ng kanilang mga naulilang pamilya ang mga biyuda ng iba pang SAF commando mula sa Visayas at Mindanao. Iisa ang kanilang isinisigaw—hustisya, na para sa kanila ay patuloy na ipinagdadamot.
Idaraos ngayon ng PNP ang programa nito ng paggunita at muling ipapanawagan ang katarungan. Makalipas ang dalawang araw, sa Enero 27, muli namang bubuksan ng Senado ang imbestigasyon nito sa mosyon ni Senador Juan Ponce Enrile, na nagsabing may hawak siyang bagong ebidensiya. Umaasa tayong huli na ang hakbanging ito, at maigagawad na ng Senado sa pamilya ng SAF 44 ang hustisyang kanilang hinahangad, at sa huli ay tuluyan nang matutuldukan ang trahedya sa Mamasapano.