Ni MARTIN A. SADONGDONG

Sumandal sa isang solidong panapos ang bumibisitang Texas Legends, kabilang dito ang dalawang tira sa krusyal na bahagi ni Fil-Am reserve guard Bobby Ray Parks Jr., upang gapiin ang Idaho Stampede, 108-101, sa sarili nitong teritoryo sa Century Link Arena (US), sa pagpapatuloy ng NBA D-League nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas).

Kumolekta si Parks ng kabuuang 6 points at 4 rebounds sa loob ng 22 minutong paglalaro para sa Legends, na nakamit ang kanilang ika-limang sunod na panalo saroad game.

Mas kilala bilang defensive specialist, nanatili si Parks sa krusyal na bahagi ng laban upang protektahan ang kanilang ga-buhok na kalamangan sa pagsisimula ng huling kanto.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinamunuan nina Patrick Miller at Micheal Eric ang opensa ng Legends sa itinalang kapwa 21 points habang tatlong iba pa ang tumapos sa double digit.

Nagtulong sina Brandon Fields at Jeremy Williams, na may tig-18 puntos, para buhatin ang Idaho subalit kinapos sila sa dulo dahil sa ganda ng depensa ng Legends.

Ito na ang ika-13 tagumpay ng Legends matapos ang 23 laban habang nalasap naman ng Idaho ang kanilang ika-17 pagkabigo sa loob ng 27 laro.