IMG_2862 copy

SA ikapitong pagkakataon, ipinagdiwang ng mga Batangueño ang Ala-Eh Festival sa bayan ng Sto.Tomas.

Umaasa si Governor Vilma Santos-Recto na hindi ito ang huling selebrasyon nito dahil sa pagtatapos ng kanyang termino ngayong taon.

“Sana ipagpatuloy ng sinumang magiging susunod na governor, dahil ito naman ay para sa pagpapakilala sa ating lalawigan,” ayon kay Gov. Vi.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Taun-taon, umiikot sa iba’t ibang bayan at lungsod ang selebrasyon ng kapistahan ng lahat ng kapistahan. Kabilang dito ang mga lungsod ng Batangas, Lipa at Tanauan.

Idinaos din ito sa mga bayan ng Taal, Calaca, at ang pinakahuli ay sa Sto.Tomas.

Naghahanda naman ang bayan ng San Jose para pagdausan ng Ala-Eh Festival 2016.

Sa isang linggong selebrasyon, tampok ang iba’t ibang programa sa bawat araw.

Hindi naman pahuhuli ang mga Batangueño sa pagpapakita ng mga produktong likha sa iba’t ibang bayan, gayundin ang mga produktong pang-agrikultura.

Kabilang dito ang kulambo ng Ibaan, atsara ng Calaca, Cassava cake ng Tanauan, at magkayakap na suman at bagoong ng Balayan, honeybee ng Balete, kapeng barako ng Lipa City, Sampalok Wine ng Lobo, at iba pa.

Nagkakaroon din ng patimpalak sa pinakamaayos at pinakamagandang booth sa agri-fair, at noong nakaraang taon ay nakuha ng Calaca ang unang gantimpala.

Sa Ala-Eh Festival 2015 nitong nakaraang buwan, sinimulan ang selebrasyon sa isang fun run noong Disyembre 1, na nilahukan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga taga-lokal na pamahalaan.

Itinampok din sa unang araw ang pagbubukas ng Debusyong Batangas, isang exhibit ng mga imahen ng mga Santong patron sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.

Itinampok din ang Lantern Parade at Pailaw, at ipinarada ang iba’t ibang disenyo ng mga Pamaskong dekorasyon na gawa sa mga recycled at indigenous materials.

Sinundan ito ng street party at music festival sa President Jose P. Laurel Highway, sakop ng Barangay San Roque sa Sto. Tomas.

Isinagawa sa magkakasunod na araw ang drum and lyre competition, LGU Night, TM Astig Bingo, koronasyon ng Mutya ng Batangas, Downhill Competition, Voices, Songs and Rhythms, eucharistic celebration, at festival dance competition.

Sa Downhill Competition, isinagawa ang paligsahan ng bikers.

Naging kapana-panabik naman ang kumpetisyon sa Festival Dance noong Disyembre 8, ang huling araw ng selebrasyon kasabay ng 434th Foundation Day ng Batangas.

Ang Bagoong Festival ng Balayan ang grand champion sa kompetisyon ng street dance at five-minute dance, at ito ang unang beses nilang paglahok.

Nakuha din ng Balayan angh unang premyo na may pinakamagandang kasuotan.

PAG-ANGAT NG TURISMO SA BATANGAS

Sinabi ni Gov. Vi na bukod sa layuning buhayin ang kultura at tradisyon, isa ring dahilan ng Ala-Eh Festival ay upang makilala ang Batangas at magkaroon ng pagkakaisa ang lalawigan.

Sa patuloy na selebrasyon ng festival ng mga festival taun-taon, unti-unting umaangat ang lokal na turismo sa probinsiya.

Ayon kay Emelie Katigbak, provincial tourism officer, malaki ang iniangat ng turismo dahil dito at sa katunayan, mas marami, aniya, ang turista sa Batangas noong unang quarter pa lang ng 2015, kumpara sa nagdaang buong taon.

“Maraming turista ang pumapasok, foreign or domestic at kapalit nito ay livelihood sa ating mga kababayan,” ayon kay Katigbak.

Isang malaking karangalan naman para sa lokal na pamahalaan ng Sto. Tomas ang maging host ng Ala-Eh.

Ayon kay Mayor Edna Sanchez, bilang gateway ng Batangas sa Northern part ng lalawigan, marami silang tourist spot na dinarayo na ng mga turista.

Kabilang sa mga pinupuntahan ng mountaineers ang Mt. Makiling at Mt. Malepunyo. Nasa Sto. Tomas din ang National Shrine ni Padre Pio at ang bantayog ni General Miguel Malvar, ang huling heneral na sumuko sa mga Amerikano.

Patuloy din, aniya, ang pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa livelihood programs, kabilang ang paggawa ng sarili nilang produkto, tulad ng buko wine, tapang kabayo at kalabaw.

Ipinagmamalaki ng kanilang bayan ang Mahaguyog Festival na nagmula sa mais, halamang gulay at niyog, na mga pangunahing produktong pang- agrikultura at pinagkakakitaan ng mga residente.

Ang Sto.Tomas ay isa sa pinakamatandang bayan sa Batangas, na ngayon ay isang First Class Municipality. Ito ang unang bayan sa Batangas mula sa Kamaynilaan, at sa boundary ng Batangas at Laguna. (LYKA MANALO)