Inaprubahan ni Pangulong Aquino ang paggawad ngayong Lunes ng Medal of Valor sa dalawang opisyal ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF) na kasamang nasawi sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero 25, 2015.

Sinabi ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Undersecretary Manolo Quezon III na mismong si Pangulong Aquino ang mangunguna sa awarding ceremony ngayong Lunes, kasabay ng ika-25 anibersaryo ng PNP at unang anibersaryo ng Mamasapano encounter.

Ayon kay Quezon, karapat-dapat sa nasabing parangal at pagkilala ang mga nasabing SAF trooper na nagbuwis ng buhay para maaresto ang international terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas ”Marwan”.

Kilalang miyembro ng grupong terorista na Jemaah Islamiyah, napatay si Marwan sa nasabing operasyon at nakaengkuwentro rin ng puwersa ng PNP-SAF ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Una nang sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na noong Huwebes inaprubahan ng Pangulong Aquino ang pinakamataas na parangal para kina Senior Insp. Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron.

Si Tabdi ang leader ng Team 1 sa 84th Special Action Company na kahit sugatan na ay nanguna pa rin ito sa kanyang grupo para maisagawa ang misyon, habang si Cempron ang lead gunner ng 55th Special Action Company at nagsakripisyo ng sarili bilang human shield para makaligtas si PO2 Christopher Lalan, ang nag-iisang survivor sa Mamasapano incident na naging testigo sa mga ipinatawag na imbestigasyon.

Samantala, iginiit naman ng pamilya ng SAF 44 na dapat na lahat ng napatay na police commando ay gawaran ng Medal of Valor—ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng PNP—dahil sa hindi matatawarang kabayanihan ng mga ito.

Kaugnay nito, lumutang sa isang forum sa Quezon City ang dating heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Diosdado Valeroso na sinasabing may hawak na video sa nasabing engkuwento sa Mamasapano.

Sinabi ni Valeroso na nakahanda siyang dumalo sa Senate hearing kaugnay ng muling pagbubukas ng Senado sa imbestigasyon sa nasabing engkuwentro na sisimulan sa Miyerkules, Enero 27.