Iginiit ng Malacañang kahapon na naipamahagi na sa naulilang pamilya ng 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang mahigit P188.338-milyon halaga ng ayuda.

Inisa-isa ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. ang mga ayudang naipagkaloob na ng gobyerno sa mga naulilang pamilya ng tinaguriang “SAF 44” na iprinisinta ng Presidential Management Staff (PMS) sa kanyang tanggapan.

Sa panayam sa radyo DzRB, sinabi niyang kabilang sa mga ito ang P151.283-milyon halaga ng ayuda mula sa gobyerno; P10.180-milyon buwanang pensiyon; at P26.875-milyon halaga ng donasyon mula sa Senado, Kamara, lokal na pamahalaan ng Dasmariñas City, Cavite, at PNP Financial Assistance Fund.

Sa P152-milyon halaga ng ayuda mula sa gobyerno, inihayag din ni Coloma na P68.33 milyon ay lump sum benefits para sa pamilya ng SAF 44, na inilabas na ng National Police Commission (Napolcom) at PNP.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito ay kinabibilangan ng P15.74-milyon tulong pangkabuhayan, P60.8-milyon proyekto sa pabahay, P58.57-milyong educational scholarship program, at iba pang ayuda na aabot sa P1.82 milyon.

“So bukod doon sa mga lump sum benefits ay malaki din ‘yung for education at ‘yung livelihood at ‘yung housing, so, sana maunawaan ng ating mga mamamayan ‘yung lahat ng mahalagang elemento ng tulong na ipinamahagi at inihatid sa kanilang mga pamilya,” ayon pa kay Coloma.

Una nang nanawagan si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa gobyerno na isakatuparan nito ang unang pangako na makakamit ng naulilang pamilya ng mga napatay na police commando ang hustisya ngunit pagkakalooban din ng tulong mula sa gobyerno sa pagbubuwis ng buhay sa pagtugon sa kanilang sinumpaang misyon. - Genalyn Kabiling