Patay ang isang konsehal ng Malabon City sa pananambang ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo, sa tapat ng bahay ng biktima sa siyudad, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Councilor Merlin “Tiger” Mañalac.
Nasa loob pa ng kanyang sasakyan habang nag-aayos ng kanyang mga dokumento si Councilor Tiger nang lapitan ng dalawang suspek at pagbabarilin nang malapitan sa tapat ng kanyang bahay sa Barangay Tinajeros, dakong 4:00 ng hapon nitong Sabado.
Dead-on-the-spot ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa pisngi at leeg, ayon pa sa pulisya.
“Sana ay makonsensiya kayo, dahil pumatay kayo ng isang mabuting tao,” pahayag ni Jennifer, misis ni Councilor Tiger.
Bago ang pamamaslang, sinabi ni Jennifer na plano ni Merlin na iwan ang mundo ng pulitika at magtayo na lang ng isang maliit na negosyo.
Nabawi ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang apat na basyo ng bala mula sa .45 caliber pistol.
Isang liham ng “Partisano-Armadong Operatiba ng Partido Marxista-Leninista ng Pilipinas” ang natagpuan sa crime scene, subalit naniniwala ang pulisya na iniwan lamang ito ng mga suspek upang ilihis ang imbestigasyon at ibintang ang pamamaslang sa mga komunista. - Jel Santos