MAGBIBIYAHE ang may edad nang si Emperor Akihito ng Japan patungo sa Pilipinas ngayong linggo upang bumisita sa mga memorial ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang huli sa mga paglilibot niya para sa kapayapaan na taliwas sa paninindigan ng gobyerno ng Japan.

Ipinursige ni Akihito, 82, ang pagbibigay-pugay sa mga Japanese at hindi Japanese na namatay sa digmaan sa nakalipas na tatlong dekada ng kanyang pamumuno —na tinatawag na Heisei, o “pagtatamo ng kapayapaan”—kahit na ngayong papatapos na ito.

Samantala, nais naman ni Prime Minister Shinzo Abe na amyendahan ang “peace constitution” ng Japan tungkol sa pagsuko sa digmaan, dahil itinuturing itong kahihiyan sa pagkatalo ng bansa sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pananakop ng Amerika.

Sa Pilipinas, na naging saksi sa pinakamatitinding labanan ng giyera, bibisitahin nina Akihito at Empress Michiko ang National Heroes’ Cemetery at ang isang memorial para sa mga nasawi sa pakikipagdigma sa Japan sa limang-araw na pagbisita ng mga ito na magsisimula bukas, Enero 26.

“The emperor has been very consistent with the fact that Japan is apologetic about their aggression,” paliwanag ni Richard Javad Heydarian, propesor ng political science sa De La Salle University.

Dahil sa mga pagsisising gaya nito, ilang dekada ng ayuda ng Japan sa ekonomiya, at paghahanap ng Pilipinas ng kaalyado sa harap ng pakikipag-agawan nito ng teritoryo sa lumalakas at agresibong China, ang mga hakbanging makabayan ni Abe na tulad nito ay katanggap-tanggap sa Pilipinas.

“We in the Philippines are OK with Japan becoming a normal power,” sabi ni Heydarian.

Limitado lang si Akihito sa pagiging “symbol of the state”, alinsunod sa konstitusyon ng Japan na itinakda ng Washington, na layuning maiwasan ang pagbabalik ng militarismo sa bansa, gaya noong namumuno pa ang kanyang ama na si Hirohito.

Noong nakaraang taon, isinulong ni Abe ang isang batas na, sa bisa ng ilang kondisyon, ay magpapahintulot sa tropang Japanese na makipaglaban sa ibang bansa, sa unang pagkakataon simula noong 1945, at naipasa ito sa kabila ng mga protesta at pangamba na madadamay ang bansa sa mga kaguluhan dahil sa pagsuporta sa mga kaalyado, partikular na sa Amerika.

Sa kabila ng mga limitasyon sa kanya ng konstitusyon, walang dudang pinakikinggan ang mga opinyon ng malumanay magsalitang si Akihito, na 11-anyos nang magwakas ang digmaan sa pag-atakeng nukleyar sa Hiroshima at Nagasaki, tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili sa kapayapaan sa Japan matapos ang digmaan. - Agencé France Presse