Ni AARON B. RECUENCO

Binigyan ng quota ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng himpilan nito, kahit hanggang sa pinakaliblib na lugar sa bansa, kaugnay ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.

Sinabi ni Interior Secretary Mel Senen Sarmiento na ang hakbangin ay bahagi ng malawakang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga, kasunod ng nakababahalang assessment na karamihan sa mga barangay sa bansa ay apektado ng ilegal na droga.

Sa Metro Manila pa lang, batay sa huling assessment, ay nasa 92 porsiyento ng mga barangay ang problemado sa ilegal na droga.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“We went down to the level of street-level pushing. There is no room for sloppy commanders this time because they were already given targets to accomplish,” ani Sarmiento.

Batay sa polisiya, ang bawat police commander ay binibigyan ng listahan ng 10 most wanted sa pagkakasangkot sa ilegal na droga sa kani-kanilang nasasakupan.

“Those who will not be able to comply the target given to them will be replaced by officials who can deliver,” sabi ni retired police general Arturo Cacdac, director general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sinabi ni Cacdac na umaasa silang mahihigitan ang 19,000 drug personality na nadakip ng pulisya at PDEA noong nakaraang taon.

Ayon kay Sarmiento, ang pagkakadakip nitong Huwebes kay Marines Lt. Col. Ferdinand Marcelino, isang dating opisyal ng PDEA, sa pagsalakay sa isang shabu laboratory sa Maynila ay patunay na dapat na paigtingin pa ng gobyerno ang mga pagsisikap nito laban sa problema sa ilegal na droga, dahil mismong mga opisyal na ng law enforcement agencies ang nasasangkot sa suliranin.

“They should be reminded of their sworn duty. If you are a policeman or even a soldier, always remember that you should not violate the law,” ani Sarmiento. “As part of the government, we have one common enemy on this, and that is illegal drugs.”