Hindi nagkasundo ang kampo nina international Boxing Federation (IBF) super flyweight champion McJoe Arroyo ng Puerto Rico at mandatory contender Jerwin Ancajas ng Pilipinas kaya itinakda ang “purse bid” hearing para sa kampeonatong pandaigdig sa Pebrero 2 sa IBF headquarters sa Springfield, New Jersey.

Halos dalawang buwan na ang negosasyon para sa sagupaang Arroyo-Ancajas ngunit hindi magkasundo ang magkabilang panig kaya nagpasiya ang IBF sa purse bid na ang highest bidder ang magpo-promote ng sagupaan.

Kinakatawan si Arroyo ni Peter Rivera ng Puerto Rico Best Boxing Promotions samantalang lumalaban si Ancajas sa bandera ng Joven Sports Promotion na pag-aari ni Joven Jimenez.

“On November 18, 2015 the IBF ordered IBF (115 lb.) champion McJoe Arroyo and Jerwin Ancajas to begin negotiations,” ayon sa pahayag ni IBF President Daryl Peoples. “They could not reach an amicable agreement within the time frame set by the IBF. Therefore, the IBF will call for purse bids in these offices on Tuesday, February 2, 2016 at 12 Noon. Bids must be submitted at 11:45 AM to be promptly opened at 12 Noon.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nasungkit ni Arroyo ang bakanteng IBF super flyweight belt nang talunin sa kontrobersiyal na 10th round technical decision si Arthur Villanueva ng Pilipinas noong Hulyo 18, 2015 sa El Paso, Texas.

Nabatid na binubugbog na ni Villanueva si Arroyo nang biglang itigil ni Puerto Rican referee Rafael Ramos ang laban sa 10th round sanhi sa pumutok na kanang kilay ng Pinoy boxer.

Maraming boxing analyst na nanood ng kampeonato sa Don Haskins Convention Center ang nagsabi na kung natuloy pa ang laban ay baka napatulog ni Villanueva si Arroyo na kung ilang beses nang na-groggy sa kanyang mga kombinasyon.

May rekord si Arroyo na perpektong 17 panalo, 8 sa pamamagitan ng knockouts samantalang si Ancajas na kasalukuyang IBF Pan Pacific super flyweight titlist ay may rekord na 24-1-1 win-loss-draw na may 16 pagwawagi sa knockouts. - Gilbert Espeña