Ni Angie Oredo

Nagpatuloy ang mainit na paglalaro nina Fil-American netter Treat Huey at Max Mirnyi ng Belarus sa ginaganap na Australian Open matapos na tumuntong sa doubles quarterfinals sa pagpapataob sa kanilang nakasagupa sa third round ng torneo na ginaganap sa Melbourne.

Nagtala ng malaking upset ang seeded No. 14 sa Grand Slam event na sina Huey at Mirnyi nang kanilang patalsikin ng 4th seed na sina Rohan Bopanna ng India at Florin Mergea ng Romania, 6-4, 6-3.

Nakatakdang makasagupa nina Huey at Mirnyi, na dating world No. 1 doubles player, sa susunod na laban ang unseeded na sina Daniel Nestor ng Canada at Radek Stepanek ng Czech Republic na nagtala naman ng 5-7, 6-4 at 6-4 panalo kontra sa parehas ng mga Spaniards na sina Pablo Andujar at Pablo Carreño Busta.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang panalo ay pumantay naman sa pinakamataas na naitalang panalo ni Huey sa Grand Slams matapos umakyat sa quarterfinal noon sa 2013 US Open at 2014 Australian Open habang kapareha ang British na si Dominic Inglot.

Maliban sa men’s doubles, sasagupa din si Huey sa mixed doubles saan kapareha nito si Andreja Klepac ng Slovenia na nakatuntong sa ikalawang round noong Sabado.

Samantala, nakalasap ang numero unong junior netter ng bansa na si AJ Lim ng kabiguan sa unang round ng Juniors matapos ang dalawang set na 6-4, 6-0 kabiguan sa unranked na si Eduard Guell Bartrina ng Spain kung saan inaasahan ito na makakausad dahil sa kanyang 10th seed na ranking.

Ang 16-anyos na si Lim ay sasagupa na lamang sa doubles kung saan katambal niya ang Egyptian na si Youseff Hossam.Makakaharap nila ang mula Ukraine na si Rudolf Molleker at Corrado Summaria ng Italy sa unang round.