Kung ang kanyang kabaro at kapwa akusado sa plunder na si Sen. Juan Ponce Enrile ay pinayagang makapagpiyansa, iginiit ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada na dapat na pagkalooban din siya ng kahalintulad na pribelehiyo ng Sandiganbayan Fifth Division.

Ito ang idinahilan ni Estrada nang maghain siya ng motion for reconsideration na humihiling sa Fifth Division na baliktarin ang resolusyon na inilabas nito noong Enero 7 sa pagbasura sa hiling ng senador na makapagpiyansa.

Iginiit ng mga abogado ni Estrada na hindi maikokonsiderang flight risk o may posibilidad na tumakas ang senador, sa pagdedesisyon sa hiling nitong makapagpiyansa.

“Under the foregoing backdrop, the issue on flight risk should not be considered academic. In the case of (Enrile), the Supreme Court held that risk of flight of the accused must be taken into account in resolving an application for bail,” nakasaad sa bagong mosyon ni Estrada.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Matatandaan na pinayagan ng Korte Suprema si Enrile na makapagpiyansa dahil sa kanyang maselang kalusugan, edad, at estado sa lipunan.

Kapwa sumuko sina Enrile at Estrada sa awtoridad matapos silang kasuhan sa multi-bilyong pisong pork barrel scam.

(Jeffrey G. Damicog)