Ni BELLA GAMOTEA
Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko sa posibilidad ng matinding traffic ngayong Lunes sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, partikular sa Makati City, Maynila, at Quezon City, dahil sa bonggang homecoming parade para kay 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach.
Magsisimula ang parada sa Sofitel Hotel sa Pasay City, dakong 2:00 ng hapon, at isasara naman ang northbound lane ng Ayala Avenue, mula sa Buendia patungong EDSA, dakong 3:30 ng hapon.
Ayon sa MMDA, ang ruta ng parada ay magsisimula sa Sofitel Hotel, kakaliwa sa Atang Dela Rama Street, kanan sa Vicente Sotto St., kaliwa sa Roxas Boulevard, kanan sa Padre Burgos St. hanggang Taft Avenue, kanan muli sa Finance Road, kanan sa Taft Avenue, kanan sa Quirino Avenue, kaliwa sa Roxas Boulevard, kaliwa sa Sen. Gil Puyat (dating Buendia) Avenue, kaliwa sa Ayala Avenue at U-turn sa Ayala-Makati Fire station papuntang Ayala Avenue hanggang sa Rustan’s.
Mula sa Makati, ang convoy ni Wurtzbach ay magtutungo naman sa Araneta Center sa Quezon City.
Asahan ang pagbisita ni Wurtzbach sa Manila City hall at sa Senado sa Pasay City.
Kahapon, dakong 4:00 ng hapon, ay dumalo si Wurtzbach sa isang pulong balitaan sa Araneta Center at ibinahagi niya ang kanyang natatanging karanasan sa unang buwan niya bilang Miss Universe.