Hindi naramdaman ang anumang pagbabago sa bagong head coach ng Cleveland na si Tyronn Lue nang magtala si Pau Gasol ng 25 puntos at pamunuan ang Chicago sa 96-83 na paggapi sa Cavaliers sa kanilang homecourt.
Na-promote si Lue noong nakaraang Biyernes (Sabado dito sa Pilipinas) makaraang sibakin ng Cavaliers ang dating coach na si David Blatt sa kabila ng nagawa nito para sa koponan sa NBA Finals noong nakaraang season at kasalukuyang nangunguna ang mga ito sa Eastern Conference.
Gayunman, walang agarang epekto sa Cavs ang nangyaring coaching swap dahil pinadapa sila ng Bulls, na nakamit ang kanilang ikatlong panalo kontra sa Cavs sa nakalipas na siyam na beses nilang pagtatagpo.
Umiskor si Jimmy Butler ng 20 puntos, habang nagdagdag naman sina Nikola Mirotic at Taj Gibson ng 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Chicago na nagposte ng 17 puntos na kalamangan sa simula ng third quarter at hindi na pinadikit pa ang Cavs hanggang sa matapos ang laro.
Muntik nang makapagtala ng triple double si LeBron James na tumapos na may 26 na puntos, 13 rebounds at 9 na assists habang nagdagdag naman si J.R. Smith ng 18 puntos para sa Cavs, na nagtala lamang ng 37 percent shooting sa field at 9 for 22 sa fhree-throw line.
Nang matapos ang laro, mismong mga fans ng Cavaliers ang nag-boo sa kanilang koponan na ikinadismaya ng kanilang management.
Ang kawalan umano ng “cohesion” at “chemistry” ng Cavs ang siyang naging dahilan ng kanilang general manager na si David Griffin para sibakin si Blatt, isang sopresang desisyon na ginawa nito, ilang araw matapos ang nakahihiyang 34 na puntos na home loss ng Cavs sa defending champion Golden State Warriors.
Ngunit may napag-alaman pa umanong mas malalim na isyu si Griffin kaya’t na-promote si Lue, dating top assistant at dati ring point guard na nakapagwagi ng dalawang NBA title. - Marivic Awitan