Optimistiko ang 16-anyos na si Alberto “AJ” Lim Jr. na magagawa niyang iuwi ang medalya para sa Pilipinas sa kanyang nakatakdang pagsabak sa Asian Youth Games (AYG) na inaasahan niyang magiging hagdan tungo sa asam niyang mas prestihiyosong gintong medalya sa Youth Olympic Games (YOG).

“I still need to maintain my ranking,” sabi ni Lim Jr., matapos kumpirmahin na kinausap siya ng kinaaaniban niyang Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) hinggil sa kanyang tsansa na makasabak sa kada apat na taong AYG na para sa mga kabataang atleta edad 16-anyos pababa.

Si Lim, na isinilang noong Mayo 18, 1999, ay naging ranked No. 2 sa buong mundo sa 14-under bracket at ika-22 sa world juniors ranking sa nakalipas noong 2015. Nasa ika-17 na ito simula sa pinagsamang ranking simula Enero 18, 2016 at ika-12 sa kanyang Career High Combined noong Enero 4, 2016.

Nagsimula si Lim Jr. bilang sa ika-346 noong 2015 bago niya nagawang magwagi sa kampeonato sa Grade 1 ITF Futures sa India at China.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Masaya po ako dahil makakalaro sa Asian Youth Games.Kaya po maghahanda ako ng husto,” sabi ni Lim Jr. na katatapos lamang sumabak sa ginaganap na ATP Challenge Philippine Open ngunit agad nitong napatalsik matapos mapatapat sa mas matanda at mas malakas na kalaban.

Inaasahang mas aangat pa ang ranking ni Lim Jr. bunga ng pag-akyat ng mga dati nitong kalaban sa dibisyon bago pa isagawa ang 2017 Asian Youth Games.

Orihinal na isasagawa ang 3rd AYG sa City of Hambantota, Sri Lanka subalit inilipat ito ng namamahala na Olympic Council of Asia matapos ang kanilang general assembly dahil sa patuloy na pagsuway ng bansa sa OCA.

Pansamantalang itinalaga upang maging host ang Jakarta, Indonesia sa torneo na sasalihan ng 45 bansa. - Angie Oredo