Walang naiuwi ang tatlong Filipina rider na miyembro ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling), sa pagtatapos ng Asian Cycling Championships sa Oshima, Japan.

Sa kanilang pinakahuling event na massed start race, tanging si Singapore Southeast Asian Games Individual Time Trial gold medalist Marella Vania Salamat ang nakatapos at nakatawid sa finish line kasama ng iba pang 26 na siklista mula sa 36 na kalahok.

Gayunman, hindi sapat ang ipinakitang “effort” ni Salamat na naiwan ng 6 na minute at 22 segundo ng nagwaging si Ah Reum Na ng Korea na naorasan ng 3:17:53 para makamit ang nakatayang 80 Olympic qualifying points na nagbigay dito ng awtomatikong slot sa 2016 Rio De Janeiro Summer Olympics.

Inungusan ni Na sa rematehan si Yixian Pu ng China na nabigyan ng identical clocking gaya ng sa una kaya’t nagkasya na lamang ito sa ikalawang puwesto at 56 Olympic qualifying points habang pumangatlo naman sa kanila ang nagwagi sa Individual Time Trial na si Mayuko Hagiwara ng Japan na nabigyan ng 32 Olympic qualifying points.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Hindi naktapos ang kakampi ni Salamat at kapwa elite women rider na si Avegail Rombaon.

Ganito rin ang naging kapalaran ng 2015 Batang Pinoy road race gold medalist na si Irish Mae Wong na hindi rin tumapos sa kanyang kategorya na junior-women’s kasama ng apat na iba pa mula sa kabuuang 15 siklista na lumahok.

Nagwagi sa nasabing dibisyon ang 17-anyos na si Misuzu Shimoyama ng Japan sa oras na 2:13:09 na sinundan ng ITT winner na si Ting Ting Chang ng Taipei na nagtala ng identical clocking na gaya ng kina Shimoyama at Yumena Hoyosa ng Japan napag-iwanan ng anim minuto at 46 na segundo. - Angie Oredo