Ni Angie Oredo

Isang natatanging presentasyon ang inihanda ngayong gabi ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa natatanging 17 dating mga pambansang atleta na magiging bagong miyembro ng prestihiyosong Philippine Sports Hall of Fame kaugnay sa pagdiriwang ng ahensiya ng kanilang ika-26 na taong anibersaryo sa Century Park Sheraton.

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na karapat-dapat lamang bigyan ng kaukulang pagpupugay ang mga dating pambansang atleta dahil sa ibinigay nilang mga karangalan at prestihiyo sa bansa sa pagpapakita ng kagalingan ng mga Pilipino sa larangan ng palakasan.

“It (Hall of Fame award) is supposed to be every other year but was not given because of lack of nomination since the first one in 2010,” sabi ni Garcia. “We make sure this time that all stakeholders are included and has their chance to give their chosen athletes be nominated for inclusion in this very honorable group.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang 17 bumubuo sa ikalawang batch ng Hall of Famers ay sina Heidi Coloso-Espino (swimming), Edgardo Ocampo (basketball), Mariano Tolentino (basketball), Eugene Torre (chess), Reymundo Deyro (lawn tennis), Mona Sulaiman (athletics), Juan Jose (lawn tennis), Inocencia Solis (athletics),Jacinto Cayco (swimming),Felicisimo Ampon (lawn tennis), Martin Gison (shooting), Adolfo Feliciano (shooting), Salvador Del Rosario (weightlifting), Aisha Gomez (athletics), Kurt Bachmann (basketball), Muhammad Mallah at Gerardo Rosario na kapwa sa swimming.

“We already invited these honorable athletes or their representatives to receive a plaque and P100,000 incentive as part of their recognition for giving, pride honor and prestige for the country,” sabi ni Garcia, na siyang chairman ng Philippine Sports Hall of Fame Screening and Selection Committee.

Ang 17 bagong Hall of Famer ay napili mula sa mahigit na 149 na nominado at nagsilbing mga national athletes noong 1924 hanggang 1974.

Ang pagpili sa mga Hall of Famers ay base naman sa Republic Act 8757, o ang batas na nag-aatas para sa pagbubuo sa Philippine Sports of Hall of Fame kung saan ang pangunahing basehan ay ang kanilang nakamit na mga tagumpay sa kanilang napiling disiplina at ambag sa bansa bilang mga modelong atleta.

Nauna nang iniluklok ang unang batch ng mga Hall of Famers na kinabibilangan nina dating world boxing champion Gabriel “Flash” Elorde, Pancho Villa, Ceferino Garcia, mag-amang Olympian boxer na sina Jose at Anthony Villanueva na nagwagi ng pilak noong 1964 Tokyo Olympics; swimmer Teofillo Yldefoso, tracksters Miguel White at Simeon Toribio, at si Carlos Loyzaga kasama ang 1954 Philippine men’s basketball team na nagwagi ng tansong medalya sa World Basketball Championships sa Rio de Janeiro, Brazil.