Mula sa orihinal nitong schedule na Enero 30, inurong ng pamunuan ng UAAP sa pangunguna ng season host University of the Philippines ang pagbubukas ng kanilang Season 78 volleyball tournament sa Enero 31.

Gayunman, inaasahan pa rin ang magiging mainit na pagtanggap at pagdagsa ng mga fans sa San Juan Arena kung saan idaraos ang opening rites at mga itinakdang laro dahil sa nakatakdang pagtatapat ng defending back-to-back champion Ateneo de Manila at ng isa pang paboritong National University na magsisilbing main game ng unang araw ng torneo.

Tiyak na aabangan ng mga fans kung paanong pangungunahan ng mga national team mainstays na sina Jaja Santiago ng NU at reigning back-to-back MVP Alyssa Valdez ng Ateneo ang kani-kanilang koponan para makamit ang una nilang panalo.

Ganap na 4:00 ng hapon ang nasabing pagtutuos ng Lady Eagles at ng Lady Bulldogs pagkatapos ng isa pang inaantabayanan ding salpukan ng pagitan ng UP Lady Maroons at ng University of Santo Tomas Tigresses ganap na 2:00 ng hapon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matapos ang naging impresibong stint sa nakaraang Open Conference ng Shakey’s V-League, isa sa mga inaasahang lilikha ng ingay at magiging mahigpit na karibal ng Lady Eagles sa kanilang 3-peat campaign ang kapitbahay nilang Lady Maroons.

Bagamat hindi makakalaro ang isa sa kanilang beteranang spiker na si Pamela Lastimosa na sinamang-palad na magka-injury sa tuhod ay napipisil pa ring contender ang Tigresses dahil malakas pa rin ang natirang core ng koponan na kinabibilangan nina Mela Tunay, Jessey de leon, Ria Meneses,Ingrid Reyes, Cherry Rondina at team captain EJ Laure.

Magpapatuloy ang aksiyon sa Pebrero 3 sa pagtatapat ng last year’s runner-up La Salle at Far Eastern University kasunod ng pagtutuos ng Univeristy of the East at ng Adamson sa unang laban.

Samantala, malaking problema ng organizers ang paghahanap ng kaukulang mga venues para sa mga playdates na kinabibilangan ng mga pinakahuling nabanggit na mga laro sa Pebrero3 gayundin sa Pebrero 6 at 13.

Nabigo silang makapagpa-book ng maaga alinman sa Araneta Coliseum at MOA Arena na mayroon nang mga naka-schedule na aktibidad sa mga nasabing petsa. (Marivic Awitan)